Ipagpatuloy natin ang pagtalakay tungkol sa mahahalagang bahagi ng tagumpay. Kung susundin mo ang pamamaraan o gabay sa artikulong ito, iyong matatamo ang kahit na anong target na ninanais mo.
Narito pa ang ilang tip:
- Igalang mo ang iyong mga inaasahan. - Kung inaaaahan mong mauuwi sa wala ang iyong ginagawa, huwag mo nang ituloy. Kung inaasahan mong hindi magbibigay sa iyo ng lahat ng iyong pangagailangan ang iyong pagsisikapan, huminto ka na. Kung pumapasok ka sa trabaho araw-araw at naniniwala kang walang mangyayaring maganda sa iyong pagreretiro, huwag ka nang pumasok. Kung inaasahan mong magdudulot ng kasiyahan sa iyo ang pagpapatupad ng iyong mga hilig, gawin mo. Kung iginagalang mo ang iyong mga inaasahan, ihahatid ka niyon sa tagumpay.
- Katuparan ng inspirasyon.- Ayon sa mga dalubhasa, ang inspirasyon ay isang emosyonal na gana kung kaya lalong masidhi ang pagkilos ng tao. Ngunit kung minsan, kapag nawala ang inspirasyon, unti-unti nang nawawala ang pagkilos ng tao sa direksiyon ng kung saan sila dinala ng inspirasyon na iyon. Upang manatili kang inspirado, kailangang panatilihin mo ang mga bagay o ang tao na nagdudulot sa iyo ng inspirasyon. Kung tao ang iyong inspirasyon at nakakausap mo ito, panatilihing bukas ang inyong komunikasyon. At kung maglaho ang inyong komunikasyon, maging ano man ang dahilan niyon, panatilihin ang iyong pagiging inspirado at kumilos ka pa rin patungo sa iyong target upang magtagumpay.
- Sa direksiyon ng kasaganahan. - Batid ng matatagumpay na tao na sapat ang kanilang pangangailangan. Kapag nakikita mong sapat, mayroon ka nang higit pa sa sapat, at magkakaroon ka pa ng higit pa sa sapat. Kapag nararamdaman mo, naiisip mo, at naniniwala kang hindi iyon sapat, kikilos ka sa ganoong pag-iisip. Ang “hindi iyon sapat” na pananaw ay parang isang maliit na kahon na nililimitahan ang iyong abilidad na umaksiyon sa direksiyon kasaganahan.
Sundan bukas.