HINDI ORDINARYO ● Muli na namang binibisita ng malalakas na ulan ang maraming panig ng ating bansa. Nitong nagdaang ilang araw aw biglang umulan nang malakas na nagpabaha sa maraming lansangan ng Manila. Napagpalala pa rito ang mga basurang naglutangan - karamihan ay styrofoam ng mga fastfood chain at plastic materials - kung kaya barado ang mga kanal na kailan lang ay nilinis ng mga awtoridad. Kung nagtagal pa ang ulan, malamang na hanggang baywang uli ang baha. Kaya sa pangamba ng kalamidad at mga sakunang kaakibat nito, kumilos ang mga opisyal ng Ilocos Norte; magtatayo sila ng 116 evacuation center na nakakalat sa buong lalawigan.

Ngunit hindi ordinaryong evacuation center ang mga ito. Magiging kumpleto ito sa pasilidad lalo na ang malilinis at gumaganang palikuran at lugar ng paglulutuan ng mga apektadong pamilya. Magiging handa ang lalawigan sa anumang unos kaya magpapatupad sila ng mga evacuation drill sa Bacarra, Bangui, Burgos, Pagudpud, Pasuquin, Piddig, Sarrat, Vintar, Badoc, Currimao, Dingras, Marcos, Paoay, Solsana at sa mga lungsod ng Batac at Laoag. Natural lamang ang pagkakaroon ng kalamidad na kaakibat ang walang humpay na ulan, baha, landslide, at malalakas na hangin at hindi kabilang doon ang pagbubuwis ng buhay. Ang kahandaan ang magliligtas sa atin.

TANGA KA BA? ● Sumakay ako ng jeep sa may Manila City Hall. Naupo ako sa upuang nasa likuran ng driver; may dalawang lalaking estudyante ang nakasakay sa harapan, sa tabi ng driver, upang masilip nila ang kanilang kapangitan sa side mirror. Ang isa sa kanila ay naninigarilyo. Sa salaming nasa ibabaw ng windshield, nagdudumilat ang isang sticker: No Smoking. Gusto ko sanang pagsabihan ang binatilyong estudyante pero kinaltok ko na lang ang sticker sa salamin upang tawagin ang kanyang atensiyon. Napatingin doon ang estudyante ngunit binalewala lang ako at ang pakiusap ng sticker. Tanga siguro ang estudyanteng iyon. Sayang lang ang tuition na ibinabayad ng kanyang magulang sa eskuwelahan nito. Kung hindi siya tanga, isa siya sa magpapahirap sa Pilipinas balang araw - hindi sumusunod sa batas. Kaya nga sabi ng isang turista: “Filipinos are stupid - can’t even follow simple instructions”. Tingnan din natin kung susundin sa Guimaras ang ipatutupad ng pamahalaang lokal na No Smoking policy simula ngayong buwan. Papatawan daw nila ng multang P500 ang sinumang mahuhuling naninigarilyo sa pampublikong lugar. Sana lagyan na rin nila ng tattoo sa noo ang mahuhuling naninigarilyo - nakasulat ang mga salitang TANGA AKO.
National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras