Asam ng gobyerno ang pinahusay na operasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa planong bidding ngayong linggo ng tatlong-taong maintenance contract na nagkakahalaga ng P2.25 bilyon.
“Patuloy ang pagsusumikap ng pamahalaan na maisaayos ang serbisyo ng ating mga tren at higit pang mapahusay ang pangkalahatang programa sa pampublikong transportasyon upang masiguro ang kaligtasan at kaginhawaan ng ating mga kababayan,” sabi ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr.
“Inaasahang magiging mas maayos ang pangangalaga sa kaayusan ng serbisyo ng MRT-3, kabilang na ang mga bagon nito, bunga ng mas mahabang kontrata para sa maintenance,” aniya pa.
Sinabi ni Coloma na isasagawa sa Setyembre 9 ang pre-bid conference para sa mga lokal at dayuhang kumpanya na nais mamuhunan sa proyekto. - Genalyn D. Kabiling