Ni LESLIE ANN G. AQUINO

Limang naapektuhan sa 7.2 magnitude na lindol sa Bohol ang kabilang sa makakasamang kumain ni Pope Francis sa pagbisita ng Papa sa bansa sa Enero.

Ito ang sinabi ni Tagbilaran Bishop Leonardo Medroso sa panayam sa kanya ng Radyo Veritas kahapon.

“He will (Pope Francis) be going to Palo (Leyte) and we will be sending some of my people there who were victims of the quake, five of them. They will eat with the Pope,” sabi ni Medroso.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Una nang sinabi ni Palo Archbishop John Du na makakasamang kumain ni Pope Francis ang 30 indibiduwal na kinabibilangan ng mga biktima ng lindol noong Oktubre at mga sinalanta ng bagyong ‘Yolanda’ noong Nobyembre.

Inaasahang darating ang Papa sa Tacloban City sa Enero 17, 2015. Nasa bansa si Pope Francis mula Enero 15 hanggang 19 makaraang bumisita sa Sri Lanka.

Gayunman, umaasa si Medroso na sana ay makabisita rin ang Papa sa Bohol.

“It is also my dream he would come to Bohol, even for just 1 or 2 hours to counsel our people,” sabi ni Medroso.

Samantala, sinabi rin ni Medroso na 33 simbahan na nasa ilalim ng kanyang diocese ang nasira ng lindol, bukod pa ito sa 11 heritage church na nawasak din.

Sa kabila nito, aniya, patuloy na nakapagsisilbi ang simbahan sa mamamayan sa pamamagitan ng mga itinayo nilang alternatibo o mga tent na pinagdarausan ng mga misa.