Ni GENALYN D. KABILING

Ligtas na ngayon ang mga Pinoy UN peacekeeper matapos makatakas sa mga armadong Islamic militant sa Golan Heights, ayon sa Malacañang.

Base sa impormasyon mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), sinabi ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. na nakatakas ang mga Pinoy peacekeeper mula sa dalawang lugar kung saan sila pinaligiran ng mga armadong Syrian rebel at ligtas na ang mga ito sa isang kampo kasama ang ibang UN security force.

Noong Sabado, halos pitong oras na nakipagbarilan ang mga sundalong Pinoy sa mga rebelde na unang humiling sa kanila na abandonahin ang kanilang puwesto at mga armas kapalit ng kanilang kalayaan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon kay AFP chief of staff Gen. Gregorio Catapang, sinamantala ng tropa ng Pilipinas ang pagtakas habang natutulog ang mga Syrian rebel.

“As of 7:00 a.m. today, lahat po ng mga Filipino peacekeeper mula sa Position 68 at Position 69 ay naka-reposition na sa Camp Ziuoani,” pahayag ni Coloma sa radyo DzRB.

“Ligtas po sila at sa buong kaganapan ay wala pong nasugatan o casualty sa ating hanay,” dagdag ni Coloma.

Agad na pinasalamatan ni Coloma ang United Nations at iba pang kaalyadong tropa sa kanilang tulong sa pagpapanatili sa kapayapaan at kaayusan sa Golan Heights.

Subalit hindi pa rin nagdedesisyon ang Malacañang kung agad na pababalikin ang mga Pinoy peacekeeper sa Pilipinas bunsod ng bakbakan sa mga rebeldeng Syrian bagamat nakatakda na ang mga itong bumalik sa bansa sa Oktubre, sa pagtatapos ng kanilang tour of duty.