Kung ang kampo ni Vice President Jejomar C. Binay ang tatanungin, wala pa ring naipalalabas na konkretong ebidensiya na may overpricing sa Makati City Hall Building 2 matapos ang dalawang pagdinig sa Senado hinggil sa kontrobersiya.

Sinabi ni Cavite Governor Jonvic Remulla, political spokesperson ni Binay, na lumalabas na “dud” o sablay ang mga iniharap na testigo sa Senate hearing na nagsasabing overpriced ang kontrobersiyal na gusali.

“For one, the data they cited from the National Statistics Office were based on the building permit applications and not the actual construction cost,” saad sa pahayag ni Remulla.

“Even the expert they invited gave a market appraisal value of a hypothetical building. How do compare a hypothetical, non-existent building to one that has already been built? And in the first place, is that even a fair comparison?” dagdag ni Remulla.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Ipinagtataka rin ni Remulla kung bakit walang isinasagawang canvass sa materyales na ginamit sa pagkukumpuni ng Makati City Building 2 na sana’y pagbabasehan ng presyo ng construction materials upang matukoy kung talagang may overpricing.

Kinuwestiyon din ng gobernador kung bakit binantaan umano ni Sen. Antonio Trillanes IV ang isang opisyal ng Hilmarc’s Construction, ang kontratista ng gusali, nang tumestigo ito sa pagdinig sa Senado.

Inaasahang magsasagawa ng ocular inspection ang mga miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee sa Makati City Building 2 na sinasabi ng mga kritiko ni Binay na inabot ng P2.2 bilyon. - Anna Liza Villas-Alavaren