Ni FREDDIE C. VELEZ
MALOLOS CITY, Bulacan – Matapos ang mahigit isang linggo sa piitan, patuloy na nangangamba para sa kanyang buhay si retired Army General Jovito Palparan sa pagkakakulong sa Bulacan Provincial Jail.
Iginiit ng dating magiting at kinatatakutang heneral na habang lumilipas ang mga araw ay tumitindi ang banta sa kanyang buhay kaya naman maghahain ngayon ang kanyang mga abogado ng “motion for reconsideration for change of custody” at “motion to quash information” sa sala ni Bulacan Regional Trial Court Judge Teodora Gonzales.
Akusado si Palparan sa kidnapping at serious illegal detention kaugnay ng pagkawala sa mga estudyante ng University of the Philippines na sina Karen Empeño at Shierlyn Cadapan.
Hihilingin ni Palparan sa korte na ilipat siya sa kostudiya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil sa kampo ng militar ay makasisiguro siya sa kanyang kaligtasan.
Aniya, mas kumportable siya sa kostudiya ng AFP dahil iisa ang kalaban niya at ng militar—ang Communist Party of the Philippines (CPP).
Iginiit ng dating heneral na isa siyang “easy target” sa Bulacan Provincial Jail dahil nakumpirma ng kanyang kampo na may mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na nakapiit din sa nasabing bilangguan.
“Mas ligtas ako sa AFP headquarters at makakaganap pa ng kanilang ibang tungkulin ang mga pulis na nagbabantay sa akin,” aniya.
Sa paghahain ng motion to quash information, sinabi ni Palparan na hihilingin nila sa korte na magsagawa ng preliminary investigation dahil mali ang mga paratang na kidnapping at serious illegal detention laban sa kanya.
Paliwanag ng heneral, ang alegasyong nasa likod siya ng pagdukot sa dalawang estudyanteng babae ay inihain noong aktibo pa siya sa militar, at hindi maaaring kasuhan ng kidnapping ang isang aktibong kasapi ng AFP.
Sinabi pa ni Palparan na walang hininging ransom money, batay na rin sa mga testimonya ng pamilya ng dalawang estudyante, kaya malinaw aniyang walang kaso ng kidnapping sa insidente.