IPINAGDIRIWANG ng Baguio City ang ika-105 Charter Day nito ngayong Setyembre 1, sa temang “Shared Responsibilities, Duties, and Resources for a Vibrant Baguio”. Isang executive committee na nangangasiwa ng selebrasyon sa pamumuno ni Mayor Mauricio G. Domogan, ang nananawagan ng pagkakaisa sa lahat ng sektor na ipagpatuloy ang kaunlaran, lalo na sa larangan ng kalakalan at turismo. Sa isang survey ng Department of the Interior and Local Government, iniranggo ang Baguio City sa No. 15 sa 136 lungsod sa buong bansa sa larangan ng kahusayan.
Tampok sa Charter Day ang paggawad ng parangal sa “Ten Outstanding Citizens of Baguio” dahil sa kanilang kontribusyon sa pag-ulad nitong upland resort city. Para sa taon na ito, magpapatupad ng makataong dimensiyon sa pamamagitan ng medical/dental mission at may foot race for a cause na tinaguriang “Straight into Baguio’s Heart” upang makalikom ng pondo para sa dialysis ng mga pasyente, at magsilbing tagahimok upang mapanatili ang diwa ng komunidad sa mga residente.
Ang Dominican Hill, ang pinakamatandang istruktura sa lungsod, ay idedeklara, bilang bahagi ng selebrasyon, na isang protected historical landmark ng National Historical Commission of the Philippines. Itinatag noong 1915, ang Dominican Hill ang lugar ng Colegio del Santissimo Rosario at retreat house ng Dominican Order bago ang digmaan. Isinalin ito sa city government noong 2005.
Ang iba pang aktibidad ay kinabibilangan ng cultural show, parada, fireworks display, konsiyerto, Beautiful Day photo tilt, Little Miss Baguio, Frontier Fusion Fashion, job fair, community program, at school activities tulad ng slogan writing, essay writing, at oratorical contest. Tatlumpung kandidata ang magtutunggali para sa titulong Miss Baguio, at ang magwawagi ang magiging kinatawan ng lungsod bilang ambassadress of goodwill and tourism.
Ang pangalang Baguio ay hango sa “bagiw” (Ibaloi para sa “lumot). Itinatag ito ng ikalawang Philippine Commission na dumating sa Manila noong Hunyo 1900, sa pangunguna ni Gov. William H. Taft na nag-utos na maghanap ng malamig na lugar sa Northern Luzon. Natagpuan ang Baguio at sinimulan ang pagpapaunlad. Noong Hunyo 1, 1903, idineklara ng mga Amerikano ang Baguio bilang Summer Capital ng bansa dahil sa malamig na klima at ginawa itong tirahan ng governor-general. Pinaunlad pa ang Baguio sa pagtatayo ng mga parke at mga istrukturang pampubliko gaya ng Wright Park bilang parangal kay Gov. Gen. Luke E. Wright, at ang Burnham Park bilang parangal kay Baguio architect-planner Daniel H. Burnham.