Inihayag kahapon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na hindi lamang ang mga mahistrado ang isasalang nila sa tax investigation kundi maging ang mga huwes sa mababang korte.

Ito ay bilang reaksiyon ni BIR Commissioner Kim Jacinto Henares sa mga batikos na puntirya lang ng tax investigation at lifestyle check ng BIR ang mga mahistrado ng Supreme Court, Court of Appeals at Court of Tax Appeals.

“Kasama ang lahat ng mahistrado at huwes sa hudikatura sa tax probe,” giit ng BIR chief.

Pinaigting ng BIR ang tax audit sa hudikatura matapos mabuking ang pinatalsik na Supreme Court Justice Renato Corona sa hindi pagdedeklara ng lahat ng kanyang kinita at ari-arian sa kanyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN) na nagbunsod ng paghahain ng kasong tax evasion laban sa kanya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon kay Henares, kailangan ng mga tax investigator ang SALN ng mga opisyal ng hudikatura ipang maihambing sa BIR alpha list, na nakasaad ang kanilang income tax return (ITR).

Sa ilalim ng substituted filing system, hindi obligado ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno na maghain ng kanilang ITR dahil ang kani-kanilang tanggapan ang nag-aasikaso nito at nagsusumite ng alpha list sa BIR.

Nakatala sa alpha list ang lahat ng pangalan ng empleyado, kanilang suweldo, at buwis na binayaran sa gobyerno. - Jun Ramirez