Ni RAYMUND F. ANTONIO
Ang ‘ber’ months—mula Setyembre hanggang Disyembre—ay peak season sa komersiyo dahil mas mataas ang importation tuwing holiday season. Pero hindi ngayong taon.
Hindi madadagdagan ang importasyon ng pagkain, gaya ng mga prutas, karne at iba pa, ngayong ‘ber’ months dahil sa pagsisikip sa mga port, sinabi kahapon ng grupo ng mga trucker, importer at broker.
“There is no peak season that we are expecting,” sabi ni Aduana Business Club President Mary Zapata, sa harap ng patuloy na pag-iwas ng mga dayuhang barko sa Maynila dahil sa kawalan ng espasyo sa Port of Manila (POM) at Manila International Container Port (MICP).
Aniya, ang inaasahang pagbaba sa pasok ng imported goods ay dahil may mga nakabimbin pang kargamento mula sa Singapore, China at Hong Kong na hindi pa maipasok sa mga port sa Maynila.
“They don’t want to go here simply because of the delay in anchorage and berthing,” ani Zapata.
Karaniwan nang nagsisimula ng Setyembre ang pagdating ng mga kargamento ng mga importer para sa Pasko. Ang huling bahagi naman ng taon ang pinakaabala para sa mga negosyo.
Mula sa average na 1,000 at 2,000 container vans kada araw, naglalabas ang POM at MICP ng 1,500 at 3,000 containers araw-araw tuwing ‘ber’ months.
Sinabi ni Zapata na dahil nakatambak pa rin sa mga port ang mga walang laman na container van, hindi na makakapasok pa ang mas maraming kargamento ngayong inaasahang sisigla pa ang dating nito sa bansa.
“They (shipping lines and port operators) should respond to our services for the heavy fees the importers paid to them,” sabi ni Zapata.