Sa kabila ng natamong 78-81 kabiguan sa overtime sa Croatia, marami ang ginulat at pinahanga ng Gilas Pilipinas kasunod ng kanilang ipinakitang laro sa Day 1 ng 2014 FIBA Basketball World Cup noong Sabado ng gabi sa Palacio Municipal de Deportes San Pablo sa Seville, Spain.

Matapos ang muntik na nilang panalo laban sa mga higanteng Croatians, tiyak na marami na ngayong karagdagang play ang ihahanda sa mga susunod nilang katunggali sa Group B, partikular sa koponan ng Greece at Argentina.

Bagamat pumangalawa lamang na qualifier sa FIBA Asia, kasunod ng Iran, nabigla ang No. 16 ranked na Croatia sa mga Pinoy sa kanilang naging laban bago tuluyang namayani sa overtime.

Hindi lamang nakuhang burahin ng Gilas Pilipinas ang lahat ng mga negatibong paniniwala sa koponan, lalo nang dumanas sila ng tambak na kabiguan sa mga pinagdaanang tune-up matches bago ang FIBA World Cup proper, nagbabanta rin sila ngayon na maging isang lehitimong contender para umusad sa round of 16 sa torneo na hindi nila nakayanang abutin sa nakalipas na 35 taon.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Bagamat mabibigat ang mga susunod nilang katunggali, na kinabibilangan ng Greece, Argentina, Puerto Rico at Senegal kung saan ay kailangan nilang manalo ng dalawa bago makapasok sa susunod na round, siguradong nandoon na ngayon ang respeto ng naturang mga koponan sa national men’s team makaraang patunayan ng mga ito na karapat-dapat lamang silang mapabilang sa mga pinakamahuhusay na basketball teams sa buong mundo na kalahok sa naturang torneo.

Ayon kay Gilas coach Chot Reyes, posible pang nakamit ng kanyang koponan ang panalo kung hindi tinawagan ng “flopping” ng referee ang isa sa kanilang playmaker na si Jason Castro.

“The ref called a technical foul that I couldn’t believe (towards the end of the third),” pagmamaktol ni Reyes. “The ref said Jason was flopping. The guy is 5-10 and he’s guarding a 6-5. How can that be a flopping? That’s the difference. If not for that technical foul, we could have won the game.”

“The game wouldn’t have gone into overtime. The refs called a technical. Croatia made the free throws then made a three at the buzzer. That’s five points and that’s the difference in the game. We just kept on fighting. We know Croatia is very tough and we just wanted to keep on fighting,” dagdag pa nito.

Sa kanilang susunod na laban kontra Greece, kung saan ay nakatakda silang sumalang sa ganap na alas-8:00 ng gabi (alas-2:00 ng madaling-araw sa Pilipinas), hindi na pinagdududahan ang kapasidad ng Gilas na makapagtala ng isang upset win.

Ngunit sa pagkakataong ito, mas mabigat ang hamon na haharapin ng mga Pinoy na pangungunahan ng naturalized center na si Andray Blatche dahil kumpara sa Croatia, No. 5 ang ranggo ng Griyego sa buong mundo.

Pangungunahan din ang koponan ng tatlong lehitimong NBA players na sina 6-foot-3 point guard Nick Calathes ng Memphis Grizzlies, 7-foot Milwaukee Bucks wing Giannis Antetokounmpo at 6-foot-9 small forward Kostas Papanikolaou ng Houston Rockets.

Gaya din ng Croatia, puro higante din ang kanilang mga sentro na sina 7-foot-2 Ian Vougkas, 7-foot-1 Ioannis Bourousis, 6- foot-11 Kostas Vasileiadis at ang nagbabalik na si 6-foot-5 hotshot Nikos Zisis.

Ngunit gaya pa rin ng dati, hindi patitinag ang Gilas Pilipinas sa mga ito dahil taglay nila ang ipinagmamalaking puso at tapang ng isang tunay na Pilipino.