Sa loob ng 48 oras ay posibleng mabuo bilang bagyo ang namataang low pressure area (LPA) sa Silangan ng Visayas.
Inihayag ni weather specialist Connie Rose Dadivas ng Philippine Atmospheric, Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA), tinututukan pa rin nila ang naturang sama ng panahon na papangalanang "Kanor" kung sakali itong magiging tropical depression.
Aniya, huling namataan ang LPA sa layong 770 kilometro Silangan ng Borongan, Eastern Samar.
Maaari aniya itong mag-landfall sa dulong Hilagang Luzon at posible ring lumihis at hindi tumama sa kalupaan.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 hanggang 85 kilometro kada oras at magdadala ng ulan sa bansa.
Makararanas pa rin ng mahina hanggang katamtamang ulan at kidlat at kulog sa Kabisayaan at sa Caraga, Hilagang Mindanao, at Zamboanga Peninsula.