Inaprubahan na ni Quezon City Mayor Herbert M. Bautista ang ordinansa na nagbibigay ng awtorisasyon sa pamahalaang lungsod na gamitin ang mga abandonadong lansangan at sobrang lupain sa mga subdibisyon para sa kapakanan ng publiko.
Ayon kay Bautista, layunin ng ordinansa na mabawasan ang pagsisiksikan ng mga sasakyan sa ilang pangunahing lansangan sa paggamit ng mga sobrang lupain ng mga subdivision sa siyudad.
Sa pamamagitan ng Ordinance No. SP 2298 S-2014, sasakupin ng city government ang pagmamantine ng mga sobrang lupain sa mga subdibisyon matapos mabigo ang mga developer at operator na pangalagaan ang mga lansangan, lighting at drainage system ng mga ito na posibleng magdulot ng panganib sa mga bibili ng lupa.
“It is the policy of the Quezon City government to ensure that all abandoned roads, alleys, open spaces, and excess lots located in subdivisions within the territorial jurisdiction of Quezon City are properly maintained and preserved for public use. The dissolution or cessation to exist of developers, owners or operators that have not officially turned-over such open spaces to the City shall not preclude the city government from maintaining, preserving, and developing the same for the benefit of the general public,” saad sa ordinansa.
Sa ilalim ng bagong ordinansa, ang pamahalaang siyudad ang magmamantine, mangangalaga at magkukumpuni ng mga abandonadong ari-arian na posibleng pakinabangan ng publiko kalaunan.
Ayon pa kay Bautista, posibleng buksan ang mga abandonadong kalye ng mga subdibisyon upang madaanan ng mga motorista bilang alternatibong ruta at makaiwas sa matinding trapiko. - Chito Chavez