MARAMI ang nagulat sa announcement ni Sharon Cuneta sa social media na umalis na siya sa TV5.
Tinawagan namin agad si Ms. Peachy Vival-Guioguio, TV5 head for corporate communications, at masaya ang tonong sabi sa amin, “Hi Reggs, ano tanong mo?”
Hanggang kailan ang kontrata ni Sharon sa TV5, sabi namin. Di ba five years ‘yun? Last 2011 lang siya nag-sign so, hanggang 2016 pa dapat. Technically, nakakathree years pa lang siya. Ano ang mangyayari sa natitirang dalawang taon, iba-buy out ba iyon ni Sharon?
“Actually, Reggs, I have no idea kasi legal ang may hawak diyan. Sila ang may desisyon and I’m not privy naman. Hindi ko pa alam talaga kung paano ‘yun,” paliwanag sa amin ng TV5 PR head.
Nabanggit namin na sa loob ng tatlong taong pananatili ni Sharon ay tila hindi natupad ang mga programang dapat ay gagawin niya, sa talent fee niyang ayon sa mga naiulat noon ay isang bilyong piso.
“Hindi ko rin alam kung ano ang nasa kontrata ni Sharon, wala rin akong idea kung nakasulat ba or something. O kung may sinabi ba kung ilan. No idea talaga, Reggs,” katwiran sa amin.
Direstsong tanong, nakatulong ba si Sharon sa pag-angat ng TV5?
“Ako ba ang sasagot, Reggs? Ikaw ang dapat sumagot sa tanong mo,” natawang sabi ni Peachy.
Ikaw na lang tatanungin ko, Bossing DMB, nakatulong ba si Sharon sa TV5?
(Obvious na tanong mo kaya obvious na rin naman ang sagot, Reggee Bonoan, he-he… --DMB)
Basta ang alam namin ay marami ang nawalan ng trabaho, nawala ang Christmas bonus ng mga empleyado, nawala rin ang Christmas party dahil nagtitipid daw. At ang narinig na sinisisi ay ang napakataas na talent na ibinigay sa talents na kinuha ng TV5, at isa na nga roon ang megastar.
Samantala, itinanong din namin kay Ms. Peachy kung totoo ang usap-usapan sa TV5 camp na hindi magkasundo sina Ms . Wilma Galvante at Mr. Bong Sta. Maria na dikit kay TV5 President Noel Lorenzana. May nagkuwento rin sa amin na maraming programang ipinipresent ang dating GMA-7 executive na ‘binabaril’ daw kaagad ni Mr. Sta. Maria.
“Oh, no! That’s not true, Reggs,” nagulat na sabi ng TV5 corporate communications head. “Okay sina Ma’am Wilma at Mr. Bong. Well, may say si Mr. Sta. Maria kasi siya ang chief content auditor.”
Itinanong din namin kung ano ang pagkakaiba ng performance nina Atty. Rey Espinosa at Mr. Noel Lorenzana, ang dati at ang kasalukuyang presidente ng TV5 respectively.
Natatandaan kasi namin na noong si Atty. Espinosa pa ang tumitimon sa Singko ay marami silang programa at okay naman ang ratings, samantalang ngayon ay iilan na lang ang mga umereng show.
“Magkaiba ang strength nila, Reggs, pero si NCL (tawag kay Mr. Lorenzana), na-cut na ang losses ng TV5, hindi pa kumikita, pero hindi na nadagdagan ang lugi,” diretso ring sagot ni Peachy.
Sa madaling salita, steady lang ang lagay ng Kapatid Network at siguradong masaya ang chief executive officer at chairman ng network na si Mr. Manny V. Pangilinan dito.
Samantala, hindi itinanggi sa amin ni Ms. Wilma nang huli namin siyang mainterbyu na malaki ang kinikita ng TV5 sa game shows kaya nagkoconcentrate sila rito ngayon, kaya siguro nakabawi ng lugi ang nasabing network.
Ipapalabas din ng live ng TV5 ang laban ng Gilas Pilipinas sa ibang bansa.
Kinumusta namin ang mga programang umeere ngayon sa TV5.
“Well, okay naman lahat, Ang Talentadong Pinoy is doing okay, ‘yung iba hindi pa naman umeere like the Trenderas, will see pa,” sabi pa ni Ms. Peachy sa amin.
Sana nga makabawi na ang TV5 sa mga lugi nila ngayong makakatipid na sila ng malaki dahil wala na si Sharon sa kanila.