Garbriel Luis and German Moreno

Agad na paghahandaan ni 2nd Youth Olympic Games (YOG) gold medalist Luis Gabriel Moreno na makuwalipika sa pambansang delegasyon na sasabak sa 2015 Southeast Asian Games (SEAG) na gaganapin sa Singapore.

Sinabi ng 16-anyos na archer na si Moreno, sa pagbabalik nito sa bansa noong Biyernes ng gabi, hangad din nitong kubrahin ang kanyang unang gintong medalya sa kada dalawang taong torneo matapos na masungkit nito ang unang gintong medalya ng bansa sa YOG.

“I am looking forward to compete in the SEA Games,” sinabi ni Moreno, sinalubong ng kanyang lolo at artista na si kuya German Moreno, ama na si Federico, at mga opisyal ng POC at PSC.

57 kilos ng shabu na isinilid sa Chinese tea bags, nakumpiska sa pantalan sa Southern Leyte

“I have yet to win a gold in the SEA Games and probably to qualify in the 2016 Rio De Janeiro Brazil Olympics,” giiot pa ni Moreno, kasamang dumating ang anim nitong kasamahan sa pambansang koponan na sina shooter Celdon Jude Arellano, triathlete Victorija Deldion, gymnast Ava Lorein Verdeflor, swimmer Roxanne Ashely Yu, trackster Zion Rose Nelson at kapwa archer na si Bianca Cristina Gotuaco.

Ikinatuwa naman ni Moreno ang pagkakasama nito sa mga atletang isasailalim sa “priority athlete” na tatanggap ng P80,000 suporta kada buwan mula sa PSC.

Inaprubahan ng PSC Board ang pagkakasama kay Moreno bilang bahagi ng insentibo nito matapos na maging unang Pilipinong atleta na nagwagi ng gintong medalya sa Olympics.

Matatandaan na nakatambal ni Moreno ang Chinese lady archer na si Li Jiaman na na naging kampeon sa Mixed International event sa archery sa YOG na ginanap sa Nanjing, China.

Ikinatuwa naman ni PSC Chairman Richie Garcia ang pagwawagi ni Moreno na sadyang tinighaw ang matagal na inaasam ng bansa dahil wala pang atleta na nagbulsa ng ginto kahit ito ay sa Summer o Winter Olympics.

Nakatakda ring bigyan ng cash insentive si Moreno bagamat pinagaaralan pa ng PSC ang halaga na ibibigay sa batang archer na estudyante ng La Salle Greenhills.

Sumulat na ang PSC kay Pangulong Noynoy Aquaino III upang humingi ng permiso upang mabigyan ng insentibo si Moreno dahil ang YOG ay hindi kasama sa nakasaad na torneno kung saan ang mga magwawagi ay bibigyan ng insentibo ng pamahalaan na gamit ang Incentives Act.

Itinakda ang pagbibigay ng insentibo kay Moreno sa Setyembre 5 kung saan ay nakahanda din ang sendoff ceremony para sa kabuuang 150 atleta na magpapartisipa sa Asian Games sa Incheon, Korea.