Mga laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)

2 p.m. La Salle vs Adamson

4 p.m. NU vs UE

Manatiling nakadikit sa liderato at makabangon mula sa nalasap na pagkatalo sa namumunong Far Eastern University (FEU) ang tatangkain ng defending champion De La Salle University (DLSU) sa muli nilang pagtutuos ng winless pa ring na Adamson University (AdU) sa pagpapatuloy ng second round ng UAAP Season 77 basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Galing sa masaklap na 70-73 pagkabigo sa Tamaraws, tiyak na hahabol ngayon ang Green Archers sa pagsagupa sa Falcons na naghahangad naman ng kanilang unang panalo sa taong ito.

Sa ganap na alas-2:00 ng hapon magsasalpukan ang Gree Archers at Falcons na susundan ng tampok na laban sa pagitan ng National University (NU) at season host University of the East (UE) sa alas-4:00 ng hapon.

Gaya ng Green Archers, nasa ikalawang posisyon din ang Bulldogs sa team standings kung saan kasalo din nila ang Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles na nakikipaghamok naman sa University of Santo Tomas (UST) Tigers habang isinasara ang pahinang ito kahapon.

Tatangkain ng Bulldogs na mapagtibay ang kapit sa ikalawang posisyon para sa target nilang makausad sa Final Four round.

Sa kabilang dako, target naman ng Red Warriors na umangat mula sa kinalalagyang ikatlong posisyon na taglay ang barahang 5-5 (panalo-talo) kung saan ay kasalo nila ang UST Tigers na siya namang katunggali ng Blue Eagles kahapon.

Ayon kay La Salle team captain Jeron Teng, kailangan nilang magdouble effort, lalo na sa depensa upang makaiwas na dumanas ng dalawang sunod na pagkabigo kasunod ng nakumpletong sweep sa kanila ng FEU sa eliminations.

“Doon kami kinulang sa defense, kasi we limited FEU to 26 points in the first half then in the third period we allowed them to score 26 points,” ayon kay Teng.

Sa kabila naman ng kanilang dinanas na kabiguan, paborito pa rin ang Green Archers na manaig sa Falcons.