Sa isang pagpupulong ng Cabinet Cluster on Transportaion noong Martes, inatasan ni Pangulong Aquiono ang Department of Transportation and Communications (DOTC) na magsagawa ng pag-aaral sa isang high-speed train na mag-uugnay sa Clark International Airport sa Metro Manila gamit ang lumang riles o right-of-way ng Philippine National Railways.

Bubuhayin niton ang posibleng pinakamalaking hakbang sa kasalukuyang paghahanap ng solusyon sa lumalalang pagsisikip sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Parañaque City. Nagkaroon kasi ng masamang reputasyon ang NAIA bilang isa sa pinakamalalang paliparan sa daigdig, bunga ng pagbaba ng uri ng serbisyo sa tatlong terminal nito, ngunit ang pinakamalaking problema ay ang air traffic congestion dahil 42 flight kada oras lamang ang kayang i-accommodate ng runway. Nagresulta ito sa mga delay sa flight sa harap ng lumalagong international at domestic flights, kaya malamang na lumala pa ang situwasyon.

Marami nang solusyon ang iminungkahi upang maresolba ang problemang ito. Mungkahi ng isang pribadong grupo ang magtayo ng isang bagong paliparan sa reclaimed na lupa sa Manila Bay. Nagrekomenda ang Japan International Cooperation Agency (JICA) ang pagdedebelop ng Sangley Airport sa Cavite. May iba pang lugar na iminungkahi para sa karagdagang mga runway, kabilang ang Bulacan at Laguna. Iminungkahi bilang mabilis na lunas sa congestion problem ay ang karagdagang runway sa NAIA, ngnit mabubunggo nito ang maraming residential subdivision na nakapalibot sa paliparan.

Maraming opisyal, lalo na ang mga gobernador ng Central Luzon, ang tinatanaw ang Clark bilang pinakamainam na sagot sa problema. Ang Clark ang home base ng US 13th Air Force, na may dalawang malalapat na runway na maaaring mag-accommodate ng US Space Shuttle sa isang emergency, at isa pang runway para sa maliliit na eroplano. May kakayahan itong mangasiwa ng 100 flight sa peak hours. Taglay din ng Clark airport ang 2,400 ektaryang lupain para sa kalaunang paglago, kumpara sa 700 ektarya ng NAIA.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Ang pumipigil lamang sa pagdedebelop ng Clark bilang pangunahing port of entry ng bansa ay ang distansiya nito sa Manila. Mareresolba ito sa pamamagitan ng isang highspeed train na mag-uugnay dito sa Manila. Maraming lungsod sa daigdig ang mayroon nang ganitong areglo – sa Tokyo sa Narita airport, London sa Gatwick, at nitong huli ay ang Hong Kong. Sa mga unang taon ng sinundang administrasyon, nagkaroon ng talakayan tungkol sa isang Spanish company na magtatayo ng naturang high-speed train connection, ngunit sa kung anong kadahilanan, walang nangyari sa plano.

Nanawagan ngayon si Pangulong Aquino para sa isang pag-aaral hinggil sa naturang tren, ayon kay Clark International Airport Corp. President and CEO Victor Jose Luciano. Maaaring gumugol pa ng panahon ngunit kung mangyayari ito bago magtapos ang termino ng Pangulo sa 2016, hindi lamang mareresolba nito ang congestion sa NAIA kundi mapaiigting pa nito ang kaunlaran sa Central Luzon – at kalaunan ang pambansang kaunlaran na rin at magiging pangunahing haligi ng pamana ng administrasyong Aquino.