PAGKARAANG magwagi sa Asia Pacific Stevie Awards, muling nanalo ang ABS-CBN ng Gold Stevie Award sa kategoryang Company of the Year – Media & Entertainment sa ika-11 taunang International Business Awards (IBAs). Gaganapin ang awards night nito sa Paris, France sa Oktubre 10.
Sa pagkilalang ito, dala rin ng ABS-CBN ang pangalan ng Pilipinas sa People’s Choice Stevie Awards for Favorite Companies sa Media & Entertainment category laban sa silver at bronze Stevie winners mula sa UK at US sa nasabing kategorya. Ang kumpanya na makakakuha ng pinakamaraming boto ang siyang bibigyan ng People’s Choice Stevie Award.
Para bumoto para sa nag-iisang Philippine media company sa kumpetisyon, pumunta lang sa favoritecompanies.stevieawards.com/default.cfm, i-click ang Media & Entertainment category, at piliin ang ABS-CBN Corporation. Magtatapos ang botohan sa Setyembre 12.
Nangungunang business awards program sa buong mundo ang IBAs at maaaring sumali rito ang kahit sinong indibidwal at lahat ng uri ng organisasyon. Tumanggap ito ng entries mula sa mahigit 60 bansa ngayong taon, kabilang na ang Pilipinas.
Pinagkalooban ng Gold Stevie Award ang ABS-CBN para sa mga natamo nitong tagumpay noong nakaraang taon, kabilang na ang pamamayagpag sa TV ratings, pagtabo sa takilya ng mga pelikula ng Star Cinema, pagtaas ng kita ng kumpanya, paglulunsad ng mga bagong negosyo gaya ng ABS-CBNmobile, theme park na Kidzania Manila, at ang TV home shopping channel na O Shopping, pagbibigay ng serbisyo publiko sa pamamagitan ng “Tulong Na, Tabang Na, Tayo Na” campaign para sa mga nasalanta ng Yolanda at iba pang relief at rehabilitation efforts para sa mga biktima ng iba pang mga sakuna, at ang matagumpay na pagdiriwang nito ng ika-60 taon ng Philippine TV.
Mahigit 3,500 nominasyon mula sa sari-saring organisasyon ang natatanggap ng IBAs sa halos lahat ng uri ng industriya para sa iba’t ibang kategorya, kabilang na ang Company of the Year, Website of the Year, Best New Product or Service of the Year, Corporate Social Responsibility Program of the Year, at Executive of the Year.
Ang mga nagwagi naman ng Stevie Award ay masusing pinili ng higit sa 250 na executives sa buong mundo na naging bahagi ng judging process mula Mayo hanggang Agosto ngayong taon.
Noong nakaraang Mayo, nauna nang pinangaralan ang ABS-CBN ng Grand Stevie Award sa Asia-Pacific Stevie Awards bilang kaisa-isang kumpanya mula sa Pilipinas na nakuha ang pinakamataas na parangal na iginawad sa limang bansa sa Asia-Pacific region. Nagwagi rin ang ABS-CBN ng Gold Stevie Award sa Services Company of the Year, at hinirang namang Woman of the Year si ABS-CBN President/CEO Charo Santos-Concio para sa lahat ng mga bansa sa Asia-Pacific (maliban sa Australia at South Korea).