Nang balakin ng gobyerno na ipatayo ang MRT, ang layunin nila siyempre pa ang mabigyan ang masa ng maaasahang transportasyon na magdudulot ng maginhawang paglalakay ngmga commuter. Ngunit tila nabigo ang gobyerno. Ang maginhawang paglalakbay na sapat na maranasan ng mga PASAHERO ay wala, ang naranasan ng mga ito ay kaperhuwisyuhan, nerbiyos at kung minsan ay mga sugat at bugbog sa katawan.
Ang MRT buhat nang magsimula ay hindi na nakatikim ng pagbabago. Ang mga bagon noon ay mga bagon pa rin ngayon. Hindi na napalitan at lalunang hindi naragdagan. Ang mga mananakay na lumobo na nang lumobo dahil sa pagdami ng populasyon ay nagsisiksikan araw-araw sa mga luma, karag-karag nang mga bagon. Kung masira ito ay walang lipat-linggo. May mga biyaheng bigla na lamang titirik, may mga biyaheng hinihintay mo ay nakabarandal pala kung saan. At nitong huli ang mas grabe, lumihis na sa rilis ang isang bagon at tinangka na yatang sa kalsada tumakbo. Natural, marami ang nagkabukul-bukol at nagkasugat-sugat. May roon pang tila nabalian ng tadyang o baywang.
Tuwing masisira, kung anu-anong dahilan ang isinisiwalat ng mga namamahala. Kung sinu-sino ang sinisisi maliban sa kanilang sarili. Diumano, sa susunod na taon daw ay magiging maayos na ito. Darating na ang mga bagong bagon para mapaayos ang biyahe nito. Pero kung next year pa, mayroon pa kayang matirang buhay sa mga mananakay nito?
Ngayon, ang plano ng mga namamahala rito ay pabagalin ang takbo nito at gawing 40 kph. Ito raw ay para matiyak na hindi na titirik ito. Kaya lang, hahaba ang pila ng mga mananakay. Susmaryosep na solusyon. Dadalang ang biyahe dahil sa kabagalan, tatambak ang pagkahaba-habang pila ng mga PASAHERO kaya baka bago ka makarating sa patutunguhan mo ay matanda ka na.
Nang umupo ang bagong administrasyon, ang unang isinigaw: “Tuwid na Daan!” Hindi siguro kasama riyan ang “Tuwid na Riles” ng MRT.