Nabatid natin kahapon na sa makabagong panahon ngayon kung saan madaling makahanap ng ikaliligaya, may mga bagay na nagdudulot pa rin ng kalungkutan. Isa na nga rito ang karagdagang responsibilidad o intindihin sa dumarami nating papel sa buhay. Naging maliwanag din sa atin na upang magkaroon ng kasiyahan sa ating ginagawa, kailangang alamin mo kung anu-anong goal ang makabuluhan sa iyong buhay na hindi mo kailangang iperpekto.
Ipagpatuloy natin…
- Ipinupuwersa natin ang ligaya. - Minsan, hindi natin namamalayan pinipilit lamang nating lumigaya na nauuwi lamang sa mas miserableng buhay. Pilit nating umiwas sa negatibong pakiramdam na para bang laging may problema sa halip na tanggapin na lamang iyon. Makararamdam tayo ng ligaya ngunit hindi natin iyon mapananatili nang matagal.
- Teknolohiya. - Dahil sa Facebook, Twitter, at kung anu-ano pang online social networks, ay nagbibigay sa atin ng paraan upang ikumpara ang ating sarili sa iba. Nagdudulot ito ng pakiramdam na parang hindi ka kapantay ng mga ka-chat o ka-twit mo at lagi kang kapos sa pamantayan. At dahil lagi mo itong binubuksan, binabasa, at nakikipag-interact ka, nakahiligan mo na ito at hindi mo maiwan kahit isang linggo. Tuluy-tuloy ang pakiramdam mong bigo ka.
Hindi lahat ng impormasyon sa Facebook o Twitter ay totoo. Sa halip na tingnan ang iba, ang iyong sarili ang pagtuunan mo ng ibayong atensiyon. Pahalagahan mo kung ano ang mayroon ka. Mas matamis ang tagumpay kung pinaghirapan mo ito nang ikaw lang.
Kailangang tanggapin natin na hindi sa lahat ng pagkakataon ay makakikita tayo ng bahaghari pagkatapos ng unos ng buhay - at normal lamang iyon. Sa halip na magbabad sa negatibong pakiramdam, tanggapin natin ang anumang situwasyon at sumulong sa bagong buhay.