Muling sumiklab ang patutsadahan nila Pangulong Aquino at broadcaster Noli De Castro kahapon.

Ito ay matapos buweltahan ng Pangulo ang dating Vice President dahil sa pagbatikos nito laban sa mga repormang ipinatutupad ng kasalukuyang administrasyon.

Sa kanyang pagbisita sa lalawigan ni De Castro sa Oriental Mindoro, binalaan ni Aquino ang publiko laban sa isang “Kabayan” na wala nang ginawa kung hindi bumatikos at hindi naman umano nakatutulong sa pagresolba ng mga problema ng bansa.

Ang 65-anyos na broadcaster ay kilala sa kanyang mga programa sa ABS-CBN bilang “Kabayan.”

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Patuloy ang paglaban natin sa katiwalian at paglikha ng pagkakataon sa ating mga kababayan. Pero hindi nga po siguro mawawala ang iilang pursigido pa ring magbahid ng duda sa ating mga reporma,” pahayag ng Pangulo matapos ang briefing sa mga proyektong imprastraktura sa Puerto Galera.

“Meron po diyan, ganado pang magkomento ng negatibo, gayong kasama naman sila sa mga naging pinuno ng bansa. Imbes na maibsan ang pagdurusa ng nasasakupan, pinalala pa ito. At ngayon, bagamat tinutugunan na natin ang mga problemang ipinamana sa atin, hindi pa rin nagsawa sa paghirit ang itinuturing kayong ‘kabayan,’ ” ayon kay PNoy. - Genalyn D. Kabiling