Hindi pabor ang maraming Pinoy sa ikakasang mandatory repatriation program ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga bansang apektado ng Ebola virus, tulad ng Guinea, Liberia at Sierra Leone.
Nagpasalamat ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa gobyerno ng Pilipinas sa pagtugon sa kanilang kaligtasan subalit tutol ang mga ito sa hakbang na sapilitang paglilikas sa kanila kahit nananatiling ligtas sila sa naturang virus.
Inihayag ng mga Pinoy worker sa Sierra Leone na nananatili silang ligtas bunsod ng karampatang preventive measure na ipinatutupad sa bansa laban sa Ebola virus.
Anila, malabong mahawa sila sa virus dahil 600 kilometro ang layo nila sa lugar na apektado ng nakamamatay na sakit.
Unang sinabi ng DFA na aalamin muna nila ang sitwasyon ng mga kababayan sa tatlong bansa bago magpatupad ng mandatory repatriation program.
Samantala, sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan ay inaasahang makababalik na sa Pilipinas ang 148 Pinoy peacekeeper matapos ipag-utos ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang pag-pullout sa mga ito sa Liberia.
Batay sa World Health Organization (WHO), umakyat na sa 90 porsiyento ang kaso ng mga namatay dahil sa Ebola virus outbreak.