Magiging hi-tech na rin ang mga mobile o alternative learning system teachers matapos ipagkaloob ng Bureau of Customs (BoC) sa Department of Education (DepEd) ang mga nakumpiskang laptop ng kagawaran.

Sa turnover ceremony, sinabi ni Education Secretary, Br. Armin A. Luistro FSC, na ibibigay nila ang mga laptop sa mga ALS teachers upang maitaguyod ang Abot Alam program para hanapin at hikayating bumalik sa paaralan at magtapos ang 1.2 milyong out-of-school.

Idinagdag ng kalihim na bahagi o 500 piraso ng 3,915 laptop ay ibibigay din sa Disaster Risk Reduction and Management Office sa 200 division ng DepEd para magamit sa oras ng sakuna o kalamidad.

“Natutuwa kami dahil may makikinabang,” pahayag ni Customs Commissioner John P. Sevilla. “Nalulungkot din at nagagalit dahil gusto sana namin na walang mag-misdeclare ng kanilang shipment,” dugtong niya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nabatid na sinamsam ng gobyerno ang mga nasabing laptop noong Disyembre 2011 matapos na ideklara ng consignee (ORZA Marketing) bilang computer parts.

Sinabi ni Sevilla na maaari lamang i-dispose o i-donate ang nasamsam na kargamento matapos ang legal battle sa forfeiture case at pumalya ang dalawang public bidding.

Napag-alaman na panahon ni Customs Commissioner Ruffy Biazon ang naplantsa ang donasyon at natagalan ang turnover dahil hindi kayang bayaran ng DepEd ang warehouse, demurrage at iba pang port charges.

“Mabuti, winaive ng ATI (Asian Terminals Inc), ang mga bayarin,” masayang binalita ni Luistro.