Hindi ba kayo nagtataka kung bakit kaybilis na idineklara ng House Committee on Justice ang tatlong impeachment complaint laban kay Pangulong Noynoy Aquino na sufficient in form? Ang chairman ng komite ay si Iloilo City Rep. Niel Tupas, miyembro ng Liberal Party, at naging puno rin ng House contingent sa impeachment trial ni ex-Supreme Court Chief Justice Renato Corona.

Kung ganoon kabilis ang deklarasyon sa tatlong reklamo laban sa Pangulo para ito mapatalsik sa puwesto, inaasahan namang magkakahirapan kapag tinalakay na kung ang mga reklamo ay sufficient in substance. Samakatwid, maituturing na isang “moro-moro” lang ng komite ni Tupas na binubuo halos ng mga kaalyadong kongresista ni PNoy, ang agarang deklarasyon na sapat sa porma ang tatlong impeachment complaint. Tiyak na ibabasura naman ng komite ang reklamo at idedeklarang not sufficient in substance ang mga ito.

Siguro ay pamilyar kayo sa kasabihang “Early bird catches the worm”. Puwede kayang i-apply ito kay Vice Pres. Jojo Binay na ngayon ay hinahagupit ng katakut-takot na batikos dahil diumano sa maagang pagdedeklarang kumandidato sa 2016 presidential elections.

Sa halip na makatuka ang “early bird” (Binay) ng “worm” (simpatiya ng voters) dahil sa napakaagang pag-aanunsiyo ng ambisyon, siya ngayon ay nasa sentro ng kontrobersiya tungkol sa bilyun-bilyong pisong kurapsiyon na ang pinakatampok ay ang overpriced diumano na konstruksiyon ng Makati Parking Building na nagkakahalaga ng mahigit sa P2 bilyon.

National

Magnitude 4.3 na lindol, tumama sa Davao Occidental

Mr. Vice President, napakataas ng iyong approval at trust ratings ngayon mula sa mamamayang Pilipino. Sana ay masustinihan mo ito hanggang sumapit ang 2016. Remember ang isinulat ko na noon: Si ex-Sen. Raul Roco ang may pinakamataas na approval rating noong 2004 sa pagka-Pangulo, pero si Aling Maliit (GMA) ang nanalo. Si ex-Sen. Manny Villar, isang bilyonaryo at malaki ang pondo, ang pinakamataas ang rating at halos kanya na ang panguluhan noong 2010 nang biglang tumakbo si PNoy matapos mamatay si Tita Cory at nakuha ang simpatiya ng mga botante. Ulit-ulitin natin: Ang maging Pangulo ay isang destiny. Matagal na pinagplanuhan ni ex-Sen. Ninoy Aquino ang maging Pangulo, ngunit ang kanyang ginang ang naluklok sa halip na siya.