Ni EDD K. USMAN
Tumanggap ng “confirmation” ang pagbubunyag ni dating Pangulong Fidel V. Ramos na ilang Moro ang sinasanay ngayon ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) mula sa isang dating leader ng Moro National Liberation Front (MNLF).
Sinabi ni Hadji Acmad Bayam, dating chief propagandist ng MNLF, sa may akda na batay sa impormasyong nakarating sa kanya ay mahigit 100 miyembro ng iba’t ibang tribung Moro ang kasalukuyang nasa “on-the-job-training with the ISIS.”
Aniya, karamihan sa mga ito ay estudyante ng mga Islamic university sa Middle East, habang ang ilan ay mga overseas Filipino worker (OFW).
“Karamihan sa kanila ay hindi na nangangailangan ng military training. Mga beterano sila ng giyera sa Mindanao,” sabi ni Bayam. “Nakikipaglaban na sila kasama ng ISIS.”
“Sinabi sa ‘kin ng aking mga pamangking lalaki na nagtatrabaho sa Qatar ang tungkol sa mga Moro na tumugon sa panawagan ng radikal na ideyolohiya ng ISIS,” sinabi ni Bayam, idinagdag na ang nasabing mga trainee ay Maguindanaon, Maranao, Tausug, Yakan o mula sa iba pang etnikong komunidad na Moro sa Mindanao.
Ipinaalala ni Bayam na ang grupong Taliban ay binuo ng mga estudyante mula sa mga Islamic university sa Pakistan at Afghanistan.
Matatandaang magkahiwalay na nag-post kamakailan ng video ang ilang opisyal ng Abu Sayyaf Group at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na nagpapahayag ng suporta at alyansa sa ISIS.