MARISSA Sanchez

MEDYO inaantok kami habang nagmamaneho pauwi noong Sabado ng gabi (Agosto 23), kaya minabuti naming makinig sa OMG program nina Katotong Ogie Diaz at MJ Felipe sa DZMM at tama lang dahil nagising nga kami sa katatawa sa kung anu-anong pinag-uusapan ng dalawa.

Special guest nila ang alaga ni Ogie na si Marissa Sanchez na inisip naming may ikukuwento ring nakakatawa. Pero hindi pala, may ipo-promote siyang album, seryosong album, na gusto niyang mapakinggan ng lahat.

Unang pinatugtog ang awiting Eighteen na si Marissa ang isa sa mga sumulat (kasama sina Thor Dulay (The Voice finalist), Romer Timbreza at Elmer Blancaflor. Iniaalay niya ito sa nag-iisa niyang anak na babae na tatlong taong gulang na ngayon.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Pinakinggan namin ang kanta at hindi namin namalayan na tumulo na pala ang luha namin dahil sobrang nadala kami sa lyrics. Kaya tinext namin si Ogie na nakakaiyak ang kanta.

Sunod na pinatugtog ang Help Me Forget na parang si Kuh Ledesma ang kumakanta. Nag-comment nga rin si Katotong MJ na mala-80s ang tunog. At nagtext uli kami ng komento namin.

Sakto ring malapit na kami sa bahay nang magpasalamat si Marissa sa pakikinig at comments namin.

Pagkalipas ng limang araw, heto na si Katotong Ogie, baka raw puwede kaming pumunta sa pocket interview ni Marissa para sa album niya na Slowing It Down. Actually, naunahan lang niya kami, dahil kahit hindi niya kami imbitahin ay kukulitin namin siyang bigyan kami ng kopya ng CD ni Marissa Sanchez dahil gustung-gusto namin ang awiting Eighteen.

Tinanong namin si Marissa nang magkita kami finally noong Huwebes ng gabi kung ano ang carrier song ng Slowing It Down album niya pero wala pa raw at nag-iisip pa sila.

May ganu’n? Naka-release na sa market at maganda ang sales, wala pang carrier song?

Nagpa-survery si Marissa at dalawa kami ni Sir Isah Red na Eighteen ang gawing carrier song. Katwiran ng broadsheet editor, huwag gawing carrier song ang cover songs dahil hindi siya matatandaan. Oo nga naman, ang orihinal na kumanta pa rin ang kinikilala o naaalala ng tao.

Ang suhestiyon ni Ogie ay ang Panghabangbuhay o Pag-Ibig Ko’y Pansinin (Faith Cuneta) para may recall. Pero agad kaming kumonta ni Sir Isah.

Ipinarinig ni Marissa ang Eighteen kaya nag-agree ang lahat na ito na lang ang carrier song dahil maraming magulang na makaka-relate at ang ganda talaga ng lyrics pati na rin ang melody.

Pangalawang album na pala ito ni Marissa, pero ang una noong 2000 ay puro kalokohan ang lyrics dahil double meaning, si Andrew E ang producer.

“Novelty songs kasi, di ba uso ‘yun saka ibinagay sa akin bilang komedyana,” sabi niya.

Pero pagkalipas ng 14 years, heto at may album na si Marissa na siya mismo ang nag-produce na umabot sa kalahating milyon ang production cost.

Sabi ni Marissa, nabago ang lahat ng panuntunan niya sa buhay nang magka-anak siya at gusto niyang magpakaseryoso sa pagkanta.

Para mabuo ang album ay marami siyang mga kaibigan na kinulit to the max para makalikom ng pondo at mabuo ang Slowing It Down (distributed ng Universal Records). Suma-total, isang milyon ang kinailangan ni Marissa.

“That includes promotion and royalties of songwriters. So I almost decided not to push through with it. Then my friends encouraged me to go through with it. Fortunately, these friends are not poor so they helped me,” aniya.

Ang iba pang kanta sa album ay ang Kailan Sasabihing Mahal Kita, Help Me Forget, It Takes Too Long, Dindi, Sunlight at Sometimes.

Samantala, kung ang ibang singers ay gustung-gustong mag-gold o platinum ang album ay kakaiba naman si Marissa. Okay na sa kanya na mabawi ang puhunan dahil ang importante ay marinig ng tao na seryoso siyang mang-aawit.

Magkakaroon ng grand launch show ang Slowing It Down album ni Marissa sa Area 05 Events Place sa October 29 (Miyerkules).