Ipinagdiriwang ng bansa ang ika-164 kaarawan ng bayani at peryodista na si Marcelo H. Del Pilar ngayong Agosto 30. Nangunguna ang lalawigan ng Bulacan sa selebrasyon sa Marcelo H. Del Pilar Shrine, na tinatawag ding Dambana ni Plaridel, halaw sa sagisag panulat ng bayani na “Plaridel”. Isang special non-working holiday ang araw na ito sa lalawigan. Magdaraos ng mga seremonya na kinabibilangan ng pag-aalay ng bulaklak sa kanyang bantayog, mga talumpati, lektura, at exhibit, na lalahukan ng mga kinatawan ng mga sektor mula sa gobyerno, kalakalan, paaralan, kabataan, at turismo.

Ang dambana sa Sitio Cupang sa Bgy. San Nicolas, Bulacan na idineklarang isang historical landmark, ay ang lugar kung saan isinilang si Del Pilar noong 1850. Nakalibing ang kanyang mga labi sa ilalim ng kanyang higanteng bantayog, na nasa tabi ng isang batong naglalarawan ng kanyang buhay, mga ideal, at pagkabayani. Naka-display sa museo ang kopya ng kanyang mga lathalain, at ang prominente sa mga iyon ay ang La Solidaridad, ang pro-reform na pahayagan na unang pinakalat noong Pebrero 15, 1889 sa Barcelona, Spain.

Maraming peryodistang Pilipino ang ginagabayan ng mga ideal at prinsipyo ni Del Pilar na buong buhay na nagsulong ng kalayaan ng isipan at opinyon. Ang Samahang Plaridel ay isang kilusan ng mga peryodista at komunikador na nagappalaganap ng mga ideal ng bayani. Ikinikintal nito sa loob ng organisasyon ang pagtutulungan pati na rin ang mga pamantayan ng pagiging patas, katapatan, at katotohanan sa peryodismo.

Anak ng mayamang mag-asawa na sina Don Julian at Doña Blasa Del Pilar, nagtapos siya ng Bachelor of Arts sa San Jose college, at nag-araw ng law sa University of Santo Tomas (UST). Nagtrabaho sila bilang oficial de mesa (government clerk) sa Pampanga (1874-1875) at sa Quiapo (1878-1879). Noong Pebrero 1878, ikinasal siya kay Marciana (“Tsanay” sa kanyang mga liham) sa Tondo, at pito ang kanilang supling. Noong 1880, tinamo niya ang kanyang Bachelor of Laws sa UST, at nagtrabaho sa Real Audiencia de Manila.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Itinatag niya noong 1882 ang Diariong Tagalog, ang unang bilingual na pahayagan. Isinulong niya ang mga reporma noong panahon ng Kastila, sa pamamagitan ng kanyang mga katha sa sa paglilimbag ng mga pahayagan na naghahangad ng kalayaan para sa mga Pilipino, ang kanilang partisipasyon sa gobyerno, at representasyon sa Spain. Nagpunta siya sa Barcelona, Spain dahil sa tensiyon niya at ng mga prayle; umanib siya isang kilusan ng mga ipinatapong mga Pilipino na kabilang si Dr. Jose P. Rizal at Graciano Lopez Jaena na kanyang pinalitan sa patnugutan ng La Solidaridad.

Namatay si Marcelo H. Del Pilar noong Hulyo 4, 1896, isang buwan bago ang Sigaw ng Pugad Lawin, na nagbigay ng hudyat ng pagsisimula ng himagsikan sa Pilipinas. Ang kanyang labi, na ibinalik sa bansa noong 1920 ay unang inilagak sa Mausoleum de los Veteranos de la Revolucion sa North Cemetery, hanggang ilipat ito sa isang libingan sa ilalim ng kanyang bantayog.