Tuwing nagdadaos ng public hearing sa Senado at Kamara, binubulaga tayo ng magkakasalungat at nakadidismayang sistema ng imbestigasyon. At may pagkakataon na tayo ay pinahahanga ng mga mambabatas – at ng mga testigo at resource persons – na naglalahad ng mga tanong at sagot na tunay na may lohika o wastong pangangatuwiran.

Sa nakalipas na mga pagdinig, hindi lamang ng nakaraan kundi maging ng kasalukuyang Kongreso, nasaksihan natin ang maayos na public hearing. Tinampukan ito ng matatalinong pagtatanong na naglalayong tuklasin ang katotohanan sa masasalimuot na isyu na gumigiyagis sa sambayanan. Kabilang na rito ang walang patumanggang pagdambong ng salapi ng bayan, tulad ng kasumpa-sumpang P10-billion pork barrel scam, at iba pang kahina-hinalang transaksiyon na kinasasangkutan ng mismong mga mambabatas at ng mga miyembro ng Gabinete ng iba’t ibang administrasyon.

Kahanga-hanga ang magalang na pagtatanong ng mga mambabatas na laging nakaangkla sa mga batas at marapat sundin ng lahat. May proper decorum. Iginagalang ang sentimiyento at karapatan ng mga testigo na ang karamihan ay tunay na kagalang-galang. At ganito rin naman ang ipinamamalas ng mga resource persons na ang mga pangangatuwiran ay nakaangkla rin sa katotohanan. Ang lahat ng ito, tulad ng dapat asahan, ay isinasagawa upang ang mga mambabatas ay magkaroon ng gabay sa pagbalang ng kailangang mga batas - in aid of legislation.

Subalit hindi maililihim na ang ibang public hearing ay tinatampukan ng nakapanggagalaiting mga eksena na naglalantad sa tunay na pag-uugali ng ilang mambabatas. Isipin na lamang na ang ilang testigo ay napapaiyak dahil sa panduduro o pag-insulto ng ilang senador at kongresista na naturingang mga kagalang-galang subalit hubad sa kagandahang-asal.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang ganitong mga pagdinig ay hindi maituturing na in aid of legislation kundi in aid of humiliation o pagyurak sa pagkatao ng mga testigo. At nagpapamalas ng magaspang na asal ng ilang mambabatas.