Binigo ng Batang Gilas Pilipinas ang Japan upang maisalba ang ikalimang puwesto, ang pinakamataas nitong nakamit sa torneo, sa paghugot ng 113-105 na panalo sa overtime sa pagtatapos kahapon ng 23rd FIBA Asia U18 Championship sa Al Gharafa Stadium sa Doha, Qatar.
Pitong beses nagpalitan ng kalamangan at pitong beses din na nagtabla ang dalawang koponan bago nagawa ng Batang Gilas na agawin ang ikalawang sunod na panalo sa matira-matibay na yugto matapos na mabigo sa krusyal na laban kontra sa Chinese Taipei.
Itinala ng Japan ang pinakamalaki nitong abante na 12 puntos, 79-67, habang huling hinawakan ng Pilipinas ang pinakamalaki naman nitong abante sa 11 puntos, 109-98, sa dagdag na limang minuto. Natapos ang regulasyon sa iskor na 93-all.
Sinandigan ng Pilipinas ang puntos mula sa turnovers (12-6) ng Japan gayundin ang points in the paint (48-20) habang mayroon din itong 24 kontra 7 sa second chance points para sa kabuuan nitong ikalimang panalo sa walong laro.
Nanguna para sa Batang Gilas si Kobe Lorenzo Paras na naglista ng 27 puntos dagdag ang 10 rebounds, 4 assists, 1 steal at 4 blocks habang nag-ambag din si Jose Go IV ng 24 puntos, Mark Anthony Dyke ng 18 puntos at si Paul Desiderio na may 17 puntos.
Iniuwi naman ng China ang ika-11 nitong gintong medalya at ikatlo nitong sunod na korona sa kasaysayan ng FIBA Asia U18 Championship matapos biguin ang Iran sa paghugot ng 66-48 panalo sa finals ng 23rd FIBA Asia U18 Championship sa Al Gharafa.