Ni ROY C. MABASA at BELLA GAMOTEA

Pinalibutan kahapon ng mga armadong Syrian rebel ang 81 sundalong Pinoy na miyembro ng United Nations Disengagement Observer Force (UNDOF) sa Golan Heights, ayon sa ulat ng UN.

Sa isang kalatas, sinabi ng tanggapan ni UN Secretary General Ban Ki-Moon na ang mga sundalong Pinoy ay kasalukuyang hindi makalabas mula sa kanilang posisyon sa bisinidad ng Ar Ruwayhinah at Burayqah.

Kasabay nito, 42 UN peacekeeper mula Fiji ang ikinulong ng isang armadong grupo sa kainitan ng bakbakan sa Syria noong Huwebes.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Hindi naman nakasaad sa UN report kung anong grupo ang may hawak sa peacekeeper.

Nakatakda nang pauwiin ng gobyerno ng Pilipinas ang 331 Pinoy peacekeeper sa Golan Heights dahil magtatapos na ang tour of duty ng mga ito sa Oktubre.

Samantala, sinabi ng liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na handang lumaban ang mga tauhan nito na naiipit ngayon sa kaguluhan sa kanilang detachment matapos paligiran ng mga rebelde sa Golan Heights.

Kabilang sa hawak na armas ng mga Pinoy peacekeeper ang mga M4 rifle, machine gun at iba pang baril kaya handa umanong lumaban kung kinakailangan sa pamumuno ng UNDOF general.