Kinumpirma ng Department of Health (DoH) na may 585 bagong kaso ng HIV-AIDS infection sa bansa na naitala noong Hulyo 2014.
Ayon sa DoH-National Epidemiology Center (NEC), ito’y mas mataas ng 30% kumpara sa 449 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong 2013 at pinakamataas na kaso na naiulat sa loob lamang ng isang buwan.
Karamihan sa mga kaso o 96% ay mga lalaki at 55% ay mula sa age group na 20-29 lamang.
Nahawa ng sakit ang mga pasyente sa pamamagitan ng sexual contact (551), na 82 porsiyento sa kanila ay mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki o males having sex with males at needle sharing sa mga injecting drug users (34).
Ayon sa DoH, 84 porsiyento ng mga bagong kaso ng HIV-AIDS ay nagmula sa National Capital Region, Region 4A, Region 7, Region 3 at Region 11.
Sa kabuuan, umaabot na sa 3,399 ang mga kaso ng sakit na naitala sa bansa mula Enero, 2014 hanggang Hulyo 2014, at 19,915 kabuuang kaso na naitala simula 1984 hanggang sa kasalukuyan.