Inangkin ng rookies ng University of Santo Tomas (UST) ang unang semifinals berth sa women’s division matapos maipanalo ang kanilang nakaraang dalawang laban sa eliminasyon ng UAAP Season 77 beach volleyball tournament sa UE Caloocan sand court.

Napanatili nina Cherry Rondina at Rica Rondina ang matikas nilang laro upang gapiin ang Far Eastern University (FEU) tandem nina Bernadette Pons at Charm Simborio, 21-15, 21-16, bago isinunod ang University of the Philippines (UP) duo nina Arylle Magtalas at Hannah Mangulabnan, 21-6, 21-14.

Dahil sa pagwalis ng kanilang unang limang laro, nakalapit din ang Tigresses sa posibleng pag-angkin sa unang finals slot kung saan ay may kaakibat itong thrice to beat sakaling makumpleto nila ang sweep sa nalalabi pa nilang dalawang laban.

Gaya ng kanilang counterparts, wala pa ring talo ang Tigers sa men’s division matapos ang apat na laro.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Huling tinalo ng tambalan nina Mark Alfafara at Kris Roy Guzman ang University of the East (UE) pair nina Edward Camposano at Carlo Almario, 21-16, 21-12.

Sa iba pang laban sa women’s division, naitala naman ng De La Salle University (DLSU) tandem nina Kim Fajardo at Cyd Demecillo ang kanilang ikatlong dikit na panalo matapos ang 21-17, 20-22, 15-9, panalo laban kina Jaja Santiago at Fatima General ng National University (NU).

Bunbga nito, sumalo sila sa Lady Tamaraws sa ikalawang puwesto na hawak ang barahang 3-1.

Binigo naman ng Lady Falcons nina Krysel Cueva at Francislyn Cais ang UE, 21-12, 19-21, 15-6, para makasalo ang Lady Bulldogs sa barahang 2-2 kasunod ang Lady Maroons na nagwagi naman kontra sa Ateneo pair nina Michelle Morente at Jhoana Maraguinot, 21-16, 14-21, 15-10, para umangat sa 2-3 baraha.

Nanatiling winless ang Lady Eagles at ang Lady Warriors matapos ang apat na laban.

Samantala, pinataob naman ng defending men’s champion NU ang Ateneo, 21-19, 21-14; nanaig ang Adamson kontra sa La Salle, 24-22, 21-17; at pinadapa ng FEU ang UP, 21-19, 21-19.