Ang pagsisikip ng mga kargamento sa Ports of Manila ay lumuwag sa kooperasyon ng mga ahensiya ng gobyerno at ng pribadong sektor sa halip na magkaroon ng komprontasyon na lumikha ng problema noong una. nangyaring hindi makakilos ang mga aktibidad sa mga daungan bunga ng pagdami ng mga container van na hindi mailipat ng lugar sa Manila dahil sa truck ban habang hindi naman makapagbaba ng kargamento ang mga barko.
Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), medyo lumuwag na ang congestion level sa Ports of Manila. Sa dalawang buwang nakalipas, matapos magpatupad ng truck ban ang City of Manila upang lumuwag ang trapiko sa lungsod, ang bilang ng mga container van na puno ng produkto na stranded sa mga daungan ay nasa 99,000 twenty-foot equivalent units, na lampas sa kabuuang kapasidad ng Manila International Container Port (MICT) at ng Manila South Harbor. Hanggang Agosto 15, nasa 20,000 na lamang ang mga container van na puno ng kargamento habang 12,000 naman ang walang laman.
Ang mga business group tulad ng Federation of Philippine Industries, ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, ng Joint Foreign Chamber, ng Indian Foreign Chamber of Commerce, at ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry ay napagkasunduang iurong ang ilan sa kanilang mga shipment tuwing weekend upang mabawasan ang paggalaw ng mga container van sa tuwing weekday. Ang mga foreign shipping line sa pangunguna ng mga miyembro ng Association of International Shipping Lines ay pumayag na pahabain ang operating hours ng kanilang tanggapan.
Nagkaroon ang MICT at Manila city government ng isang sistema ng van movements na kapareho sa operasyon sa Hong Kong at Australia. Hanggang sa malayong Clark Freeport Zone sa Pampanga at sa mga daungan sa Subic at Batangas, napagpasyahan ng mga opisyal na maglaan ng mga container yard habang wala pang solusyon ang kaguluhan sa mga container van sa Manila.
Umayuda ang mga mambabatas. Hinimok ng Kamara ang Manila city government na suspindehin ang truck ban kahit sa loob ng tatlong buwan habang nananawagan naman ang Senado para sa mga solusyon upang makatulong sa Manila ports sa kinakaharap nitong problema sa lumolobong kalakalan. At para sa Manila mismo, nagkaroon ng isang traffic system kung saan pinapayagan ang mga cargo truck na gamitin ang innermost lanes ng Roxas Boulevard kahit na anong oras.
Ngunit ang kailangan ay ang isang permanenteng solusyon na magbabalanse sa problema sa trapik sa Manila at iba pang pamahalaang lokal at ang pangangailangan ng mga negosyo at industriya sa bansa na panatilihing dumadaloy ang mga kargamento sa harap ng lumalagong pangangailangan ng ekonomiya ng Pilipinas.