BOKOD, Benguet – Suportado ng provincial government ng Benguet ang planong pagpapasara ng kalsada na ginagamit ng illegal loggers mula sa kagubatan ng Mt. Pulag sa bayang ito.
Dismayado si Governor Nestor Fongwan sa nakitang mga vegetable farm sa paanan ng Mt. Pulag at kitangkita pa ang mga bakas ng mga pinutol na punongkahoy.
Sa unang pakikipanayam kay Kabayan Mayor Faustino Aquisan, suportado niya ang rekomendasyon ni Mt. Pulag National Park Superintendent Emerita Albas na isara ang masabing kalsada na naging dahilan ng malawakang pagkasira ng kagubatan ng Mt. Pulag.
Hiniling din ni Bokod Mayor Mauricio Macay at mga residente dito na isara na lamang ang kalsada upang hindi ito magamit ng mga illegal logger sa pagbibiyahe ng mga puno.
Ayon kay Fongwan, kailangang nang maisara ang halos apat na kilometro ang nasabing kalsada sa Barangay Ekip, Bokod patungo sa Sitio Maubanan at padaan sa Kayapa, Nueva Vizcaya upang matigil na ang illegal na pagputol ng mga puno sa Mt. Pulag. - Zaldy Comanda