Ni JC BELLO RUIZ at BELLA GAMOTEA
Binatikos ng kampo ni Vice President Jejomar C. Binay ang umano’y ipinaiiral na “double standard” sa pagtrato ng mga resource speakers sa isinasagawang pagdinig sa Senado hinggil sa sinasabing overpriced Makati City Hall Building II.
Sinabi ni Cavite Governor Jonvic Remulla, spokesman for political affairs ni Binay, na halatang-halata na ipinaiiral ang “double standard” ni Senator Antonio Trillanes IV nang mabigo itong tanungin si dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado kung magkano ang kanyang komisyon sa kontrobersiyal na gusali matapos nitong aminin na naambunan siya sa kickback mula sa proyekto.
“I am glad that the senator, in an interview, said the hearing is not a court trial and that there are proper venues for airing evidence. This has been the Vice President’s position from the start. The way the hearing is being conducted and the demeanor and statements of Senators Trillanes and Allan Cayetano are those of a prosecutor not an impartial legislator crafting laws,” pahayag ni Remulla sa isang statement.
Kaugnay nito, hinamon din ni Remulla si Trillanes na ihayag ang katotohanan sa ibinulgar ni VP Binay kamakalawa na tinakot ng mambabatas ang isang kontratista ng gusali sa tangkang pigilan nitong humarap sa Senado kamakalawa.
Ayon kay Remulla, dapat na maging maagap sa pagsagot si Trillanes sa pahayag ni Vice President Jejomar Binay tungkol sa pagpigil ng senador sa kinatawan ng kontratistang Hillmarcs Construction na umano’y tumestigo, dinuro, pinagmumura at tinakot na sampahan ng kasong plunder sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon sub-committee hinggil sa alegasyong overpriced ang konstruksiyon ng gusali noong Martes.
“Applying his way of questioning resource persons, then the good senator should just give a categorical answer. Did he or did he not bully and curse the representative of Hillmarcs?” diin ni Remulla.
“Simpleng tanong, simpleng sagot lang ang hinahanap ng taumbayan,” dugtong ng gobernador.