Lumagda ng kontrata si eight-division world champion Manny Pacquiao sa isang kompanya at pamahalaan ng China para sa pagtatag ng isang institution sa boksing sa ilalim ng kanyang pangangalaga na ang layunin ay makalikha ng mga kampeong pandaigdig sa nasabing bansa.
Sa panayam ng Associated Press, naniniwala si Pacquiao na sa populasyong 1.4 bilyon, mabilis siyang makakakalap ng professional world boxing champions.
Sa pagdalaw sa Shanghai para i-promote ang pagdedepensa niya ng WBO welterweight title sa Amerikanong si Chris Algieri sa Nobyembre 22 sa Macau, inihayag ni Pacquiao na sisimulan sa Beijing ang Manny Pacquiao Boxing Education Institute upang palawakin ito sa China.
“Local (Chinese) boxers just need some knowledge about boxing and should be taught the basics,” ani Pacquiao. “Of course, with 1.4 billion population for the whole China, they can produce good fighters like other champions.”
Bilang kongresista ng Sarangani Province, naniniwala rin si Pacquiao na mapalalamig nito ang tensiyong namamagitan sa China at Pilipinas sa pag-aagawan sa South China Sea o West Philippine Sea.
“This will even help in strengthening our relationship ... especially since in this project, the Chinese government is involved,” dagdag ng Pambansang Kamao. “I would visit the academy once a month, once in three months, to supervise the boxers.”