Isang lalaking hinihinalang may diperensya sa isip ang nasawi matapos na barilin ng pulis na kanyang binato at tinangkang saksakin ng buriki sa Tondo, Manila noong Martes ng hapon.

Tinangka pang isalba ng mga doktor ng Mary Johnston Hospital (MJH) ang biktima na nakilalang si Romar Pedrosa, na sinasabing empleyado ng Hilmarc’s Construction Corporation, batay sa nakuhang dokumento sa kanyang bulsa.

Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Richard Escarlan, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, naganap ang insidente dakong 2:30 ng hapon sa harapan mismo ng MJH sa Nolasco Street, Tondo, Manila.

Bago ang insidente ay naka-duty si PO1 Resty Hipolito, 32, nakatalaga sa Anti-Cyber Crime Group sa Camp Crame at nakatalaga sa Moriones Police Station 2 ng MPD, nang mamataan niya si Pedrosa na may hawak na malaking bato at may nakasuksok na buriki sa beywang at palakad-lakad sa Plaza Morga.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Dahil dito, sinita ni Hipolito ang biktima ngunit sa halip na magpaliwanag ay ibinalibag umano nito sa tiyan ng pulis ang kanyang hawak na bato.

Hindi na pinatulan ng pulis ang biktima at sinabihang sumuko ngunit bigla umanong binunot ng biktima ang buriki sa kanyang beywang at inatake si Hipolito kaya’t binaril siya nito sa kanang hita pero patuloy pa rin ito sa pag-atake sa pulis kaya’t binaril niya itong mulis kaliwang hita.

Papauwi naman ang isa pang pulis na si PO2 Eugene Morales, 35, nakatalaga sa MPD-District Headquarters Support Unit, nang mapansin ang komosyon at kaagad na rumesponde ngunit siya naman ang inatake ng suspek.

Dahil dito, muling pinaputukan ni Hipolito ang biktima sa katawan at saka dinisarmahan. Isinugod nila ang suspek sa pagamutan ngunit namatay din ito.

Nabatid na ang suspek ay hinihinalang may diperensya sa pagiisip at pagala-gala lamang sa naturang plaza at nambabato ng salamin ng mga kotseng nakaparada doon.

Ang pinakahuli umanong binato ng biktima ay isang Honda Jazz na may plakang XMH-490 at pag-aari ng isang Paul Laceda.