Una pang mabisto ang anomalya ng PDAF (Priority Development Assistance Fund) o mas kilala sa bastusang “pork barrel na pang mantika ng bulsa at bibig sa Kongreso at Senado, halos tumalon ang balakubak ng sambayanan sa galit nito. Inayuda pa ng Palasyo si Juan de la Cruz na itutok ang poot sa mga mambabatas, higit sa mga oposisyong sinalang iladlad/nilitis sa publiko hal. Enrile, Eestrada, at Revilla. At tila, wala ng kasunod pang iba, liban puro kalaban ng Malakanyang o ng partidong nais manatili lampas taong 2016? Noong inilunsad ang protestang “million-march” sa harap ng Quirino Grandstand, simpleng ginatungan ng Administrasyon na ituloy ito dahil ang naisin na Sangay Ehekutibo ay pintahang damuho at makasalanan ang Kamara sa pagwaldas at pagnanakaw sa pera ng bayan.
Dati ko pa na-amoy ang mane-obrang pagtuturo, upang mabaling ang atensyon at himutok ng bayan palayu sa Pasig. Kaya lang, bumulaga ang DAP (Disbursemant Acceleration Program) ng Pangulo. At ang mas maantot na paglustay sa kaban ng bayan ay umalingasaw sa pang-amoy ng nakakaraming disenteng Pilipino. Tama na, sobra na. Bistado na.
Naitanong ko sa una pang pagkakataon sa mga obispo at taga-pagtaguyod kontra “pork barrel” at “lumps sum” nang maging panauhin sa telebisyon (Republika, Martes 8:10 n.g., Channel 8 Destiny Cable; Sky 213), ano ang kanilang hakbang kung mabatid na susuwayin ni PNoy ang pangkalahatang panawagan na alisin sa Pambansang gugulin ang lahat ng uri ng PDAF, DAP, Lump Sum, Pork Barrel, at malakihang Discretionary Fund? Sa hudyat ng aking hamon, tanging pagpapatuloy ng protesta ng walang malinaw na panawagan, liban sa “Kontra-Baboy” (Pork Barrel) ang muling isinambit sa nasabing pagkakataon. Bagkus, malinaw pa sa bagsik ng Bagyong Yolanda ang kapit-tukong sistema ng nakakubling korapsyon sa ating trilyon-trilyong budget. Ang laki ng tagas at tongpats, sa magkasabwat na sangay ng pamahalaan. Itong nagdaang Agosto 23 nagkaroon ng malakihang pagtitipon sa Cebu City upang itulak ang “abolish pork barrel” sa pamamagitan ng ‘People’s Initiative” na tinampukan ng panimulang lagda na kukunin sa buong bansa para pagpanday ng batas sa nabanggit na hangarin. Ito na nga ba ang sagot ng sambayanan sa isang Pangulong sutil sa kagustuhan ng “Boss” niya? Di ba dapat, Resign Now?