Sa pag-usad kamakalawa sa Kamara ng impeachment case laban kay Presidente Aquino, nagkaisa ang pasiya ng mga Kongresista: Sufficient in form. Nangangahulugan na ang naturang reklamo ay may sapat na porma na pagbabatayan naman sa pagbusisi sa susunod na yugto nito: Sufficient in substance na tatalakayin naman sa Sept. 2. Ang mga procesong ito ay kailangang isagawa bago isampa sa Senado ang naturang asunto. Ang mga Senador ang magiging huwes sa Senate impeachment court; pinal ang kanilang pasiya, tulad ng isinawad kina dating Presidente Erap Estrada at Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
Maaaring makasarili ang aking pananaw hinggil sa pag-usad ng impeachment case laban kay Presidente Aquino. Sa pagtimbang kung ito ay may sapat na batayan sa batas o sufficient in substance, tiyak na ito ay ‘dead-on-arrival’ sa justice committee ng Kamara. Ibig sabihin, kaagad itong ibabasura ng mga Kongresista. Karamihan sa kanila, kundi man lahat, ay kaalyado ng administrasyon. At hindi mahirap unawain kung bakit sila ay kaagad yumuyukod sa anumang pagkumpas ng may kapangyarihan. Naalala ko ang nakadidismayang eksena nang sampahan ng impeachment case si dating Presidente Arroyo. Ganito rin ang situwasyon noon: Kakampi niya ang halos lahat ng mga mambabatas. Dahil dito, hindi man lamang naka first base, wika nga, ang nabanggit na asunto. May pagkakataon na bago ibinasura ang kaso laban sa dating Pangulo, isang pagpupulong umano ang idinaos sa Malacañang. Dinaluhan ito ng mga Kongresista na, tulad ng isinasaad sa Konstitusyon, siyang nagpapasiya sa pagsasampa ng impeachment complaint. Pagkatapos ng naturang okasyon, ang mga dumalong mambabatas ay umuwi na may mga bitbit na paper bag. Hindi ko matiyak kung ano ang laman ng mga iyon.
Sa pag-usad ng impeachment case laban kay Presidente Aquino, masaksihan kaya ng sambayanan ang ganitong nakadidismayang estratehiya? Anupa’t ang tagumpay ng mga nagsampa ng kaso ay isa lamang patikim sa pag-usad ng demokratikong proceso. Sana, ang susunod na proceso – ang paghahanap ng sufficiency in substance – ay hindi kamatayan ng demokratikong proceso.