Handa si Pambansang Kamao Manny Pacquiao na harapin anumang oras ang kasalukuyang pound-for-pound king na si Floyd Mayweather Jr. subalit nasa desisyon na ng Amerikano kung kailan siya lalabanan sa ibabaw ng ring.
Pinakamalaking personalidad sa boksing sina Pacquiao at Mayweather ngunit lagi silang nabibigong magkasundo sa megabout dahil maraming hinihinging kundisyon ang WBC at WBA welterweight champion.
Idedepensa ni Pacquiao ang kanyang WBO welterweight belt laban sa Amerikano ring si WBO light welterweight titlist Chris Algieri sa Nobyembre 23 sa Macau, China samantalang magdedepensa ng mga korona si Mayweather laban kay Marcos Maidana ng Argentina sa Setyembre 13 sa Las Vegas, Nevada.
Sa panayam ng BoxingScene.com, iginiit ni Pacquiao na tanging si Mayweather lamang ang hinihintay niyang magpasya kung haharapin siya o hindi sa lona ng parisukat.
“The possibility to fight with him, you know, the question is not for us,” sinabi ni Pacquiao. “It’s for them because any time we are willing to fight, any time. I think that question belongs to them, their camp.”
Aminado ang promoter ni Pacquiao na si Bob Arum ng Top Rank na gumagawa ng paraan ang TV companies na HBO at Showtime na magkaroon ng legal na kasunduan para matuloy lamang ang sagupaan na pinakahihintay na ng buong mundo.
“With Showtime and HBO wanting the fight and Manny wanting the fight, there is one little step to take and that’s to see where Floyd stands,” paliwanag ni Arum na ipinahiwatig na maari ring harapin ng Pilipino sa ikalimang pagkakataon si Juan Manuel Marquez sa 2015. “Hopefully we can put Marquez in with Pacquiao next year.”
Para naman sa trainer ni Pacquiao na si Freddie Roach, hindi maghihintay ang kanyang boksingero kay Mayweather dahil bukas naman ang kanilang linya sa Amerikano.
“We can’t waste our time waiting for him,” giit ni Roach. “We’ve done everything we could to make that fight happen. It’s like, we’re available if he’s interested in it, but again we can’t sit around waiting for him.”