Mga laro ngayon: (FilOil Flying V Arena)

2 p.m. – PLDT vs Air Force (third)

– Awarding Ceremonies

4 p.m. – Army vs Cagayan Valley

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Muli nga kayang sumikat ang araw para sa defending champion Cagayan Valley (CaV) o maunahan sila ng Philippine Army (PA) upang mapasakamay ang ikalawang titulo?

Itinuturing na ‘most fancied team’ sa liga, matapos ang kanilang dinanas na pagkabigo sa nakaraang quarterfinals, nagkaroon ng pagdududa sa kakayahan ng Lady Rising Suns na mapanatili ang kanilang korona.

Gayunman, umaasa ang Cagayan na makakayanan nilang mag-back-to-back champions sa kanilang pagsalang sa kampeonato ng Shakey’s V-League Season 11 Open Conference finals na nakatakdang magsimula ngayon sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

“Malakas ang Army pero beatable,” pahayag ni Cagayan coach Nes Pamilar.

At upang makuhang gapiin ang Lady Troopers, sinabi ni Pamilar na kinakailangan nilang tapatan, kung hindi man ay mahigitan, ang matitinding atake ng kalaban at maging ng kanilang receptions.

“Kailangan namang mapantayan iyon ng kanilang aggressiveness kung gusto namin silang talunin,” dagdag pa ni Pamilar hinggil sa tangkang sundan ang naitalang unang kampeonato noong nakaraang taon na nakamit nila sa pamamagitan ng record na 16-game sweep.

“Sana, magtuluy-tuloy iyong mga ginagawa namin sa aming last few games, kasi kung ganoon ang lalaruin namin, mayroon kaming laban,” giit pa nito.

Gaya ng dati, muli niyang sasandalan para sa kanilang kampanyang mapanatili ang hawak na korona sina Aiza Maizo, Janine Marciano, Pau Soriano, Rosemarie Vargas, Wenneth Eulalio, Joy Benito at libero na si Shiela Pineda.

Ang mga nabanggit na manlalaro ay nakatakdang makipagtagisan sa hatawan at pagtanggap ng bola laban sa ipinagmamalaking roster ng Army na sina dating league MVP’s Jean Balse, Nene Bautista at Jovelyn Gonzaga, kasama sina Rachel Anne Daquis, Ginie Sabas at ang kanilang mahusay na setter na si Tina Salak.

Sa ganap na alas-4:00 ng hapon ang muling pagtatapat na ng dalawang koponan sa pagsisimula ng kanilang best-of-three finals series matapos ang battle for third place sa pagitan ng PLDT Home Telpad at Philippine Air Force (PAF) na magsisimula ng sarili nilang best-of-three series sa ganap na alas-2:00 na susundan ng awarding ceremonies para sa conference top performers.