Ibinasura ng Korte Suprema ang apela ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares na mabigyan ang ahensiya ng kopya ng Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ng mga mahistrado ng Supreme Court (SC), Court of Appeals (CA) at Court of Tax Appeals (CTA) mula 2003 hanggang 2012.
Ito, ayon sa Korte Suprema, ay dahil sa kawalan ng sapat na dahilan.
Iginiit ng kataas-taasang hukuman na hindi absolute ang kapangyarihan ng BIR commissioner.
Lumagpas si Henares sa kanyang kapangyarihan na mag-imbestiga at sumuri ng tax liabilities ng mga miyembro ng Korte Suprema, CA at CTA nang humingi siya ng kopya ng SALN ng mga ito.
Hindi naipunto ni Henares sa kanyang petisyon kung sino ang nais niyang imbestigahan at hindi rin naman niya naabisuhan ang iniimbestigahan nilang opisyal ng hukuman na sinisiyasat ito ng BIR sa posibleng pandaraya sa buwis.
Hindi rin tinukoy ni Henares sa kanyang kahilingan ang facts at batas na pinagbatayan niya ng finding of fraud at para bigyang-katwiran ang hiling na kopya ng SALN ng mga mahistrado sa loob ng sampung taon.
Paalala ng hukuman, ang fraud o pandaraya ay hindi kailanman batay sa presumption o haka-haka at ito ay kinakailangang mapatunayan.
Pero sa kahilingan umano ng BIR, ‘tila lumilitaw na lahat ng mahistrado ng Korte Suprema, CA at CTA ay iniimbestigahan para sa tax fraud.
Nagtataka rin ang Korte Suprema na bagamat iginigiit ni Henares na nais niyang matiyak na nakakasunod sa tax compliance ang mga mahistrado, hindi naman niya hiningi ang kopya ng SALN ng iba pang miyembro ng hudikatura.