Pupulsuhan ngayon ng grupong Abolish Pork Movement ang mga mag-aaral sa buong bansa kasunod ng pagdala sa mga paaralan ng kanilang signature drive laban sa ‘pork’ funds.

Ayon kay Monet Silvestre, spokesperson ng grupo, target nilang makalikom ng lagpas sa limang milyong pirma sa mga estudyante sa pribado at pampublikong eskuwelahan.

Tiniyak din niya na dadalhin din nila ang kanilang panawagan sa municipal level kasunod na rin ng pag-arangka ng kanilang People’s Initiative sa Luneta at Cebu kamakalawa.

“Mamanduhan po iyon ng mga local counterparts po ng lahat ng cause-oriented groups na involved. Isa po sa battle plan ‘yung universitywide na kampanya para sa signature campaign. Pupunta po kami sa maraming universities at least dito sa Metro Manila,” aniya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Bagamat aminadong hindi naabot ng protesta sa Luneta nitong Lunes ang bilang ng mga dumalo sa “Million People March” laban sa priority development assistance fund (PDAF) noong 2013, hindi na aniya ito mahalaga dahil ang layunin lamang nila ay maiparating ang impormasyon sa publiko.

“Although hindi namin nakuha ‘yung numbers, aaminin na po namin naman ‘yan. Ang success namin kahapon ay ‘yung pag-disseminate po ng impormasyon,” pahayag ni Silvestre.

Sa kasalukuyan aniya ay nakalikom na sila ng 10,000 pirma mula sa anila’y 20,000 dumalo sa protesta noong Lunes.