Kung mayroon mang suwerteng maituturing sa nakaraang 2014 Gatorade PBA Annual Rookie Draft, isa na rito ang third overall pick na si Ronald Pascual na siyang kinuha ng San Miguel Beer sa isang trade sa pagitan nila ng Barako Bull.
Wala sanang first round pick ang Beermen ngunit nakipag-trade sa kanila ang dapat na nakatokang Barako Bull kapalit ng kanilang second round pick, 2015 first round pick at ng guards na sina Garvo Lanete at Jojo Duncil.
Dahil nag-iisang pick at nagtataglay naman ng hind rin matatawarang talento, malaki ang tsansa ni Pascual na lumagda ng kontrata.
Tiniyak ng bagong Beermen coach na si Leo Austria na eksakto si Pascual para sa puwestong nais nilang paglagyan dito.
“Nangangailangan kasi kami ng shooter at fit na fit siya doon.Tamangtama lang siya sa hinahanap naming chemistry at may makakatulong na si Chris Lutz kasi sa ngayon siya lang iyong No. 3 namin,” pahayag ni Austria.
Ayon pa kay Austria, makakatulong ng malaki ang ikatlo sa miyembro ng tinaguriang “Pinatubo trio” noong collegiate days pa lamang nila sa San Sebastian College (SSC) sa NCAA para mas magamit nang husto ang bentahe sa height ni Junemar Fajardo.
“Gusto kasi naming mapaligiran si Junemar ng mga tumitira sa labas, alam mo na para lumawak iyong depensa at malibre siya sa gitna,” ayon pa kay Austria.
Ang naunang dalawang miyembro ng “Pinatubo trio” ay ang nakaraang 38th Season Rookie of the Year na si Calvin Abueva na nasa Alaska at si Ian Sangalang ng grandslam champion na San Mig Coffee.
“Hindi pa rin ako makapaniwala na nandito na ako at na-draft ako ng San Miguel. Pero sobrang nagpapasalamat ako sa tiwalang ito na ibinigay nila sa akin. At nangangako ako na hindi ko ito sasayangin,” pahayag naman ni Pascual na umaming excited nang muling makalaro kahit pa sa pagkakataong ito ay magkakalaban na sila ng mga dating kakamping sina Sangalang at Abueva.