Ni LEONEL ABASOLA at BELLA GAMOTEA
Aminado si dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado na ‘naambunan’ din siya sa umano’y maanomalyang konstruksiyon ng Makati parking building kung saan isinasangkot si Vice President Jejomar Binay at anak nitong si Makati Mayor Jejomar Erwin Binay.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa umano’y overpricing ng gusali sa Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Mercado, kilalang dating kaalyado ng mga Binay ang dumalo at iginiit na imposibleng walang kinita si Vice President Jejomar Binay noong alkalde pa ito, dahil siya kahit paano ay kumita rin.
“ ’Di ako sinungaling. Pagtatawanan ako rito. Noong nagtanong pa lang kayo, tumawa na sila. Sa Phase 1 and 2, nakinabang po ako. Kung ang vice mayor nakinabang, siguro nakinabang din ang mayor dito. Imposibleng ‘di nakinabang ang mayor,” ayon kay Mercado.
Inilahad din ni Mercado ang pangamba sa kanyang buhay kaya mayroon na siyang inihandang kasultan na sakaling may mangyari sa kanya, ito ay kagagawan ng nakatatandang Binay.
Samantala, iginiit ni dating city administrator ng Makati na si Marjorie De Veyra na walang kredibilidad si Mercado.
“While vice mayor, he was known to frequent casinos here and abroad, where he is considered a high-roller and given a five-star treatment by casino operators. He is known to lose millions in cockfights. We wondered how was able to afford such a high-living lifestyle but his admission of personally gaining from the Building 2 project gives us the answer,” ayon kay De Veyra.
Simula nang matalo ito matapos tumakbo sa mayoralty race laban sa nakababatang Binay, sinabi ni De Veyra na panay na ang batikos nito sa pamilya Binay.