ABUT-ABOT ang nerbiyos ni Michael Pangilinan na siya ang napili ng Star Records at composer na si Joven Tan bilang interpreter sa Himig Handog P-Pop Love Songs entry na Pare, Mahal Mo Raw Ako.
Ayon sa tsikang nakuha namin, mismong si ABS-CBN President Charo Santos-Concio ang pumili kay Michael para maging interpreter dahil madalas daw nitong marinig ang boses niya sa pinapatugtog na mga awitin niya sa MOR 101.
“Masayang kabado kasi sobrang challenge po sa akin, kasi last year si Aiza Seguerra ang nag-champion sa kantang Ano’ng Nangyari Sa Ating Dalawa na si Tito Joven din po ang sumulat. So kung baga, ang laki ng expectations po, di ba?” pag-amin ni Michael.
First time ni Michael na tutuntong sa stage ng ng Smart Araneta Coliseum kaya lulang-lula siya.
“Sana po sa susunod na tuntong ko, concert ko na,” masayang sabi ng binata.
Oo nga, bubot lang si Michael kung ikukumpara kay Aiza lalo na ngayon dahil ang makakalaban niya sa Himig Handog P-Pop Love Songs ay sina Daniel Padilla, KZ Tandingan, at iba pang sikat na singers.
“Gagawin ko lang po ang best ko, at hindi naman po ako nag-i-expect, pero sana nga po makalusot,” sabi pa ni Michael.
May pinoproblema si Michael dahil maysakit ang pinakamamahal niyang lola. Siya ang paboritong apo nito na gustong nasa tabi siya parati, kaya hati ngayon ang atesiyon niya.
Bilang advance promo na rin ng Pare, Mahal Mo Raw Ako ay may show siya bukas, Huwebes (Agosto 28) sa Promenade Greenhills with guests Sam Milby, Prima Diva Billy, at Rochelle Pangilinan produced ng Front Desk Entertainment at sponsored ng Hannah’s Beach Resort, Joel Cruz Signatures, Sutla Flawless Whitening Products, Isabela Gov. Bojie Dy, Quezon Gov. Jayjay Suarez at Quadro.