ANG mababang interes o tubo sa pautang ang isa sa mga tinutukoy na pangunahing dahilan sa mabilis na pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas, na nangunguna ngayon sa pagsulong sa mga kaanib na bansa sa association of Southeast asian Nations (ASEAN). Sa buong asia, ang China lamang ang mas mabilis sa pagsulong. Dahil sa mababang interes, maraming Pilipino ang nakapagpupundar ng mga kasangkapan sa bahay. Bunga nito, malakas ang benta ng mga pamilihan, gaya ng mga shopping mall. Maraming negosyanteng Pilipino at dayuhan ang naaakit na magtayo ng mga proyekto sa Pilipinas, kaya patuloy ang pagpasok ng puhunan para sa pagtatayo ng mga pabrika, mga industriya at iba pang proyektong pangkabuhayan. Ang lahat ng ito ang siya namang lumilikha ng maraming trabaho at nagpapataas ng uri ng pamumuhay ng mga Pilipino.

Batay sa marami at mahahalagang benepisyo na ibinubunga ng mababang interes, nauunawaan ko ang agam-agam na idinulot ng pinakahuling pasya ng Monetary Board (MB), ang ahensiyang gumagabay sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Noong hulyo 31, 2014, itinaas ng MB ang tinatawag na policy rates ng BSP ng 0.25 punto, kaya ang ibinabayad na interes ng BSP sa mga bangkong nagdedeposito ng pondo (overnight borrowing) rito ay tumaas sa 3.75 porsyento, at ang ipinapatong namang interes sa umuutang sa BSP (overnight lending) ay tumaas sa 5.75 porsyento. ang policy rates ang ginagamit na batayan ng mga pribadong bangko sa pagtatakda ng interes sa ipinauutang nila sa kanilang mga kliyente. Noong nakaraang linggo, ipinahayag ni BSP Governor amando M. tetangco Jr. na nagsimula nang magtaas ng interes ang mga bangko upang isama sa kanilang kuwenta ang bagong policy rates ng Bangko Sentral. Kasabay nito, tiniyak ni Governor tetangco na ang pagtaas ng interes ay hindi makapagpapabagal sa galaw ng ekonomiya. Inaasahan niya na maabot pa rin ang 6.5 hanggang 7.5 porsyentong paglaki ng ekonomiya sa taong ito, ayon sa panukat ng Gross Domestic Product (GDP). Sang-ayon ako sa pahayag ni Governor tetangco, nguni’t sa ibang dahilan. Batay sa aking karanasan sa mahigit tatlong dekada ng pagtatayo at pagbebenta ng mahigit 200,000 tahanan, ang bahagyang pagtaas ng interes ay hindi makapipigil sa mga Pilipino sa pagbili ng sariling tahanan o sa pagpupundar ng mga kagamitan sa loob ng kanilang tahanan, o sa pagbili ng mga sasakyang kailangan sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente