Matapos ang halos 40 taon, malilipat na ang kapitolyo ng Rizal sa Antipolo City mula sa Pasig City.
Ito ay matapos irekomenda ng House Committee on Local Government ang pag-apruba sa House Bill 4773 na humihiling sa paglilipat ng kapitolyo ng Rizal sa Antipolo City mula sa Pasig.
Iniakda nina Rizal Congressman Isidro Rodriguez Jr., Romeo Acop, Roberto Puno at Joel Roy Duavit, mabibigyang kasagutan ng HB 4773 ang tanong kung alin ba talaga ang opisyal na kapitolyo ng Rizal.
Taong 1975 nang aprubahan ni noo’y Pangulong Ferdinand E. Marcos ang Presidential Decree No. 824 na naghihiwalay sa Rizal sa noo’y mga munisipalidad ng Las Piñas, Parañaque, Muntinlupa, Pateros, Taguig, Makati, Mandaluyong, San Juan, Malabon, Navotas, Marikina at Pasig.
Maliban sa Pateros, ang lahat ng lokalidad ay isinailalim sa “Metro Manila” base sa PD 824. Kabilang din dito ang mga siyudad ng Pasay, Quezon, Maynila at Caloocan.
“The unusual situation persists due to the lack of congressional action declaring the official capital of the province anywhere else within the province,“ pahayag ng mga mayakda ng panukala.
Ipinangalan sa pambansang bayaning si Dr. Jose P. Rizal ang lalawigan na noo’y kinabibilangan ng 29 na munisipalidad, batay sa PD 824.
Ang bagong kapitolyo ng Rizal ay itinayo sa Antipolo City noong 2009 bilang kapalit ng lumang gusali sa Pasig City. - Ben Rosario