INDEPENDENCE, Ohio (AP)– Tumunog ang telepono ni Kevin Love noong Hulyo at tinanong ni LeBron James ang All-Star forward kung nais nitong maglaro kasama siya sa Cleveland.
“I’m in,” sagot ni Love kay James.
At ito ay pangmatagalan.
Sinasanay ang sarili sa bagong siyudad at koponan matapos siyang makuha ng Cavaliers noong nakaraang Sabado, sinabi ni Love na target niyang manalo ng NBA title kasama ang Cavaliers, kahit pa gaano ito katagal.
Si Love, hindi pa umaabot sa playoffs sa kanyang anim na masalimuot na season sa Minnesota, ay maaaring mag-opt out sa kanyang kontrata at maging free agent sa susunod na summer. Ngunit sinabi ng 25-anyos na si Love, nais niyang magtagal kasama ni James sa Cavs.
‘’I’m committed to this team, committed long term to the end goal and that’s to win championships,’’ aniya.
Ipinakilala kahapon ng Cavs si Love, na kanilang nakuha sa pamamagitan ng isang blockbuster, three-team trade na agad ginawa ang Cleveland, na nanalo lamang ng 33 sa huling season, na isang NBA championship favorite. Ang deal ay nagbibigay din sa koponan ng star-powered trio sa katauhan nina Love, James, at Kyrie Irving.
Si Love at James ay naging malapit na magkaibigan dalawang summer na ang nakararaan nang maging U.S. Olympic teammates sa London. Dito inumpisahang i-recruit ni James si Love, na hindi pa sigurado kung ano mga nais ipahiwatig ni James.
‘’Sitting next to me, a locker really close to me and he would always tell me how good he thought I was,’’ sabi ni Love. ‘’For me I would just kind of brush it off and shake it off because I was standoffish because I didn’t know him well.’’
Ngunit naging mapilit si James at matapos ang ilang pang pag-uusap, napagtanto ni Love na maaaring magkaroon ng pagkakataon na ang kanilang careers ay mag-aabot muli.
‘’I thought that one day maybe I could play with LeBron James,’’ saad nito.
At ngayong wala na si Love, naiwan ang Timberwolves sa kanilang rebuilding na isesentro sa No. 1 overall pick na si Andrew Wigging at ang top pick noong isang taon na si Anthony Bennett, dalawang batang manlalaro na nakuha nila mula sa Cleveland.
Hindi masyadong maganda ang paghihiwalay ni Love at ng Timberwolves. Siya ang mukha ng prangkisa, at sa Minnesota siya nahulma sa pagiging isa sa pinakamagaling na rebounder at scorer, isang dual threat sa loob at labas. Ngunit ang mga taon ng pagkatalo ay nakaapekto na sa kanya at hindi naging sikreto na nais na niyang umalis.
Sa kabila nito, sinabi ni Love na lilingunin niya ang kanyang unang tahanan sa NBA bilang isang positibong karanasan.
‘’The people of Minnesota were great, the fans were great, they showed up, win, lose or draw, and I really developed a lot of relationships all the way down through the organization,’’ aniya. ‘’It was a great six years, and I enjoyed my time, and I can’t say enough good things about it.’’
Gagamitin ni Love ang No. 0 sa Cavs. Ang kanyang No. 42, ang numerong kanyang ginamit sa kolehiyo at nang siya ay nasa Timberwolves, ay dating ginamit ni Nate Thurmond at iniretiro ng Cleveland. Kinunsidera niya ang No. 11, ang kanyang Olympic number, ngunit ginamit naman ito ni Zydrunas Ilgauskas at nakasabit na rin sa rafters ng Quicken Loans Arena. Kaya’t pinili niya ang 0, ang numerong kanyang unang ginamit sa kanyang kabataan sa Beaverton, Oregon.