Habang pinagsisikapan ng Cagayan Valley (CaV) na mapanatili ang napagwagiang titulo, sa pamamagitan ng record na 16-game sweep noong nakaraang taon, naghahangad naman ang Philippine Army (PA) na makamit ang kanilang ikalawang titulo sa nakatakdang pagtutuos nila ng defending champion sa Shakey’s V-League

Season 11 Open Conference sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City bukas.

“After naming magkampeon noong 2011, hindi na ulit kami nagkampeon dito kaya siyempre gusto naman naming manalo ulit,” pahayag ni Lady Troopers coach Rico de Guzman.

Tinalo ng Army ang kapwa military squad na Philippine Air Force (PAF) sa kanilang best-of-three semifinals series, 2-0, upang maitakda ang pagtutuos nila sa kampeonato ng Cagayan Valley na nagwagi din sa pamamagitan ng sweep kontra sa nakatunggaling PLDT Home Telpad sa kanilang sariling series.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Sa kanilang head-to-head duel ngayong conference, una nang nanaig ang Lady Rising Suns kontra sa Lady Troopers na nagkampeon sa nakaraang Season 8 Open Conference finals kontra sa San Sebastian College (SSC) sa loob ng apat na sets.

Ngunit binawian sila ng Army nang magtala din ang mga ito ng 3-1 sets na panalo sa muli nilang pagtatagpo sa nakaraang quarterfinals round.

Kaya naman inaasahang magiging mas kapana-panabik ang laban sa pagitan ng dalawang koponan sa finals ng torneong ito na itinataguyod ng Shakey’s katulong ang Mikasa at Accel.

Kung manlalaro ang pag-uusapan, nakalalamang ang Army sa kanilang roster na pinangungunahan ng mga dating league MVP na sina Rachel Ann Daquis, Jovelyn Gonzaga, Nerissa Bautista at Mary Jane Balse.

Hindi rin matatawaran ang kanilang beteranang setter na isa ring veteran internationalist na si Tina Salak.

Sa kabilang dako, hindi naman magpapahuli ang mga pambatong hitters ng Lady Rising Suns na sina Aiza Maizo, Pau Soariano, Rosemary Vargas, Wenneth Eulalio, team captain Angge Tabaquero at Joy Benito.

Bagamat maituturing pang bagito, kumpara sa kapwa niya dating Far Eastern University (FEU) player na si Salak, tiyak namang hindi pasasapaw ang setter ng Cagayan na si Gizelle Sy, katulong ang kanilang mahusay na libero at puwede ring hitter na si Shiela Pineda.

Samantala, una rito, magtutuos naman sa sarili nilang best-of-3 series para sa third place ang losing semifinalists na PLDT Turbo Boosters at PAF Air Spikers.